Sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat na kalimutan na ng publiko ang pulitika at hayaan ang mga halal na opisyal na gampanan ang kanilang trabaho dahil hindi maganda ang nagiging epekto nito sa imahe ng bansa.
Ito ay makaraang tanungin si Duterte tungkol sa reklamong impeachment na isinampa laban sa kanya sa Kamara de Representantes at sa pinaplanong ikasa laban naman kay Vice President Leni Robredo.
Sa isang ambush interview sa Bukidnon, sinabi ni Duterte na siyam na buwan pa lang ang nakalipas simula noong eleksiyon kaya mas mainam sa mga naghahangad ng impeachment na tumigil na at hayaang magtrabaho nang matiwasay ang mga inihalal ng taumbayan.
“We just had an election a few months ago and we go into a stigma roll of ousting our officials including me,” sinabi ni Duterte sa groundbreaking ng isang drug rehabilitation center sa Malaybalay, Bukidnon kahapon.
“We should forget politics. Let the elected leaders of this country do their work. You know whatever happens, the leaders are elected by the people,” dagdag niya.
“Ako naman, I don’t mind the—I don’t even answer the challenges and the charges [laban sa akin]—it’s useless. Why should you [bother]?” anang Pangulo.
SAGRADONG BOTO
Kasabay nito, hinimok ni Duterte ang publiko na tigilan na ang pagtatangkang magpatalsik ng mga halal na opisyal at matutong respetuhin ang “sacred vote” ng mga Pilipino.
“Kaka-election lang natin. Tapos you go into this thing of ousting elected leaders. Mabigat ‘yan. Sagrado ang boto ng Pilipino, let it remain that way,” apela ng Presidente.
Matatandaang sa kanyang pagdating sa bansa mula sa pagbisita sa Myanmar at Thailand ay umapela si Duterte na tigilan na ang pinaplanong impeachment laban kay Robredo, sinabing ang pagbatikos sa kanya ng Bise Presidente ay parte ng demokrasya.
Gayunman, nanindigan si House Speaker Pantaleon Alvarez na maghahain siya ng reklamong impeachment laban kay Robredo dahil sa pagtatraydor sa tiwala ng mamamayan kaugnay ng video message nito sa United Nations Committee on Narcotics Drugs na bumabatikos sa kampanya kontra droga.
PINAG-AAWAY LANG
Iginiit naman ni dating Senador Aquilino Pimentel na hindi impeachable ang ginawa ni Robredo, at nagbabalang walang solidong basehan ang ihahaing kaso laban sa Bise Presidente.
Naniniwala naman si Senator Bam Aquino na walang kinalaman si Pangulong Duterte sa mga planong patalsikin sa puwesto si Robredo.
Kasabay nito, binatikos ng senador ang mga grupong nagsusulong ng pagkakahati ng bansa, at lumilikha ng tensiyon sa pagitan nina Duterte at Robredo, sinabing ang mismong bansa ang magdurusa sakaling tuluyang hindi magkasundo ang dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa.
“They both said that they are not involved, can’t we just leave it at that? Because in the end, mas gumugulo iyong bayan natin kapag pinag-aaway sila,” sabi ni Aquino. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at ELENA L. ABEN)