Pinaplantsa na ni Interior and Local Government Secretary Ismael “Mike” Sueno ang pakikipagpulong sa mga lider ng Kongreso upang talakayin ang mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa halip na magdaos ng barangay elections sa Oktubre ngayong taon, magtalaga na lamang ng mga officer-in-charge (OIC) sa bawat barangay.

Para kay Sueno, napakakumplikado ng nais ng Pangulo sapagkat kinakailangan ng isang batas na susuporta sa pagtatalaga ng OIC sa mga barangay sa buong bansa.

Ayon kay Sueno, nakipag-ugnayan na siya sa pamunuan ng Senado, partikular na kay Senate President Koko Pimentel, kung ano ang dapat gawin.

KAMARA PABOR SA PAGPAPALIBAN

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Suportado ni Speaker Pantaleon Alvarez si Pangulong Duterte sa planong ipagpaliban ang barangay elections.

Matatandaang nagbabala ang Pangulo na sa oras na itinuloy ang eleksiyon, maraming opisyal ng barangay na sangkot sa ilegal na droga ang tiyak na muling maluluklok.

“Well, wala akong problema diyan at suportado ko ang ating Pangulo diyan dahil napaka-valid po noong reason, dahil tama ‘yun, majority of the barangay officials are involved in illegal drugs, nagagamit ito,” ayon kay Alvarez.

Naniniwala umano si Alvarez na ang kagustuhan ng Pangulo na ipagpaliban ang eleksiyon ay maipatutupad sa pag-aamyenda ng Local Government Code nang hindi lumalabag sa Konstitusyon.

COMELEC, PINAG-AARALAN PA

Kasalukuyan umanong pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) ang posibleng epekto o magiging problema sakaling muling ipagpaliban ang barangay elections.

“What are the ramifications of another postponement? This barangay elections have already been postponed once, and as a result of that the barangay officials were heldover,” pahayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa isang press briefing.

“We dont know if the next law that postpones it, if such a law comes, will also provide for a holdover or will provide for a different solution to the question of leadership at the community level,” dagdag niya.

Ayon pa kay Jimenez, pinag-aaralan din nila ang posible nitong epekto sa electoral system.

(JUN FABON, BERT DE GUZMAN at LESLIE ANN G. AQUINO)