Kyrie Irving, NBA
SHAQTIN’ A FOOL! Kandidato si Cleveland Cavaliers guard Kyrie Irving sa weekly show ni NBA legend Shaquille O’ Neal nang madulas at mawalan ng balanse bago pasubsob na tumumba sa sahig habang inaapuhap ang dribble sa bola sa isang tagpo ng kanilang laro laban sa Washington Wizards nitong Sabado (Linggo sa Manila). Nagwagi ang Wizards, 127-115. (AP)
CLEVELAND (AP) — Malinaw ang mensahe ang Washington Wizards sa mga karibal sa Eastern Conference playoff – dapat silang katakutan.

Hataw si John Wall sa natipang 37 puntos at kumana si Bradley Beal ng 27 puntos para sandigan ang Washington Wizards sa dominanteng 127-115 pabalo kontra sa defending NBA at EC champion Cleveland Cavaliers nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Kumubra si Wall ng 18 puntos sa first quarter kung saan naitala ng Wizards ang 82 percent sa field goal at nagpakatatag sa final period para maiganti ang overtime loss sa Cavs sa nakalipas na pagtatagpo.

Nanguna si LeBron James, nakasuot ng goggles bilang protection sa napinsalang mata nitong Biyernes, sa Cavs sa natipang 24 puntos, 11 rebound at walong assist. Kumana si Kyrie Irving ng 23 puntos at nag-ambag si Kevin Love ng 17 puntos.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bunsod ng panalo, isang kalahating laro na lamang ang agwat ng Cavaliers sa Wizards para sa No.1 spot sa Eastern Conference playoff.

CLIPPERS 108, JAZZ 95

Sa Los Angeles, ginapi ng Clippers, sa pangunguna ni Jamal Crawford na may 28 puntos, ang Utah Jazz para makopo ang playoff sa ikaanim na sunod na season.

Naghahabol ang Clippers sa Jazz ng kalahating laro para sa labanan sa No. 4 playoff seed sa West. Nag-ambag si Blake Griffin ng 15 puntos at tumipa si DeAndre Jordan ng 15 rebound para sa Clippers.

Nanguna si Rudy Gobert sa Jazz na may 26 puntos at 14 rebound, habang humugot si Joe Johnson ng 17 puntos.

SPURS 106, KNICKS 98

Sa San Antonio, nadomina ng Spurs ang New York Knicks para sa ikaapat na sunod na panalo bago ang inaasahamang dikdikang laro kontra sa Cleveland sa Lunes at Golden State sa Miyerkules.

Ratsada si Kawhi Leonard sa naiskor na 29 puntos, habang humirit si LaMarcus Aldridge ng 19 puntos at 10 rebound. Tangan ang 56-16 karta, naghahabol ang Spurs ng dalawang laro sa Warriors (58-14) para sa pinakamatikas na karta sa liga.

Nagsalansan sina Derrick Rose at Willy Hernangomez ng tig-24 puntos, habang umarya si Mindaugas Kuzminskas, pumalit san na-injured na si Carmelo Anthony sa starting position, ng 19 puntos.

RAPTORS 94, MAVERICKS 86

Sa Dallas, nagsanib ng puwersa sina DeMar DeRozan at Serge Ibaka para sa kabuuang 36 puntos at pataubin ang Mavericks para sa ikalimag sunod na panalo ng Raptors.

Bumida sa Harrison Barnes ng 23 puntos sa Dallas, nagmintis sa unang 18 sa binitiwang 22 three-pointer tungo sa mababang 7 of 28 sa rainbow area.

Laglag ang Mavericks sa apat na laro sa Denver para sa ikawalo at huling playoff spot sa West.

TRAIL BLAZERS 112, TIMBERWOLVES 100

Sa Portland, Oregon, patuloy ang pananalasa ni CJ McCollum sa naiskor na 32 puntos para gabayan ang Trail Blazers kontra Minnesota.

Nagsalansan si Damian Lillard ng 21 puntos para sa ika-10 panalo sa huling 13 laro ng Blazers.

Nanguna si Andrew Wiggins sa naiskor na 20 puntos para sa Wolves, nabigo ang anim na sunod na laro.