Kailangang mapatulog ni Philippine Boxing Federation bantamweight champion Jason Canoy ang walang talong si ex-WBA International titlist Mzuvukile Magwaca sa kanilang sagupaan para sa bakanteng WBF 118 pounds title sa Marso 31 sa Cape Town, Western Cape, South Africa.

Huling lumaban si Magwaca noong Nobyembre 2015 kaya mahigit isang taon siyang hindi sumasampa sa ring ngunit delikado pa rin siyang kalaban taglay ang kartadang 10 knockout sa 17 panalo at dalawang tabla.

Kabilang sa nabiktima ni Magwaca si dating WBC Eurasia Pacific Boxing Council light flyweight champion Michael Enriquez na napatigil niya sa 5th round noong 2014 para sa bakanteng IBO Inter-Continental flyweight title.

Dating amateur champion ng Pilipinas si Canoy na beterano sa mga laban sa Thailand, Ukraine, Russia at Japan pero natalo lamang sa puntos o technical decision dahil pumutok ang kanyang mga kilay.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May record si Canoy na 26-6-2 win-loss-draw na may 19 panalo sa knockouts at pinakamalaking panalo niya nang tatlong beses pabagsakin sa 1st round si dating interim WBA super flyweight champion Drian Francisco para magwagi via TKO noong Mayo 30, 2015. (Gilbert Espeña)