KAPANALIG, nakamamangha ang enerhiya, ang elektrisidad.

Ito ang tumutulak sa pagsulong ng sibilisasyon. Ito ang backbone ng ekonomiya ng mga bansa sa buong mundo.

Gaano ba natin ito naiintindihan? Gaano ba natin napapangalagaan ang mga sources o pinanggagalingan nito?

Para magkaroon ng enerhiya, maraming kumplikadong prosesong isinasagawa. Base sa National Power Corporation, ang mga pinagmumulan ng ating enerhiya ay coal, oil, natural gas at nuclear. Ito ay mga non-renewable, ngunit meron din naman tayong renewable sources, kaya lamang maliit na bahagi lamang ang mga ito ng energy supply sa bayan. Ang mga ito ay solar, wind, hydroelectric, biomass, at geothermal.

Ayon sa Department of Energy (DoE), ang Pilipinas ay “largely coal-consuming country.” Ibig sabihin nito, ang malaking bahagi ng ating energy supply ay mula sa coal. Tinatatayang 45% ng ating energy supply mix ay mula sa coal, habang 25% ay mula sa renewable energy sources.

Ang paglaki ng bahagi ng renewable energy sources sa ating power supply mix ay isang dakilang ambisyon. Ito kasi ay isang paraan upang hindi maubos ang ating natural resources o ma-pollute dahil sa lumalaking energy demand sa ating bansa.

Base sa datos ng DoE, ang peak demand growth rate sa bansa noong 2014-2015 ay naitala sa 8.1% sa Visayas Grid; 2.4% para sa Luzon; at 3.3% sa Mindanao.

Ang mataas na antas ng paggamit ng enerhiya ay malaki ang balik sa kalikasan. Ang coal production na major source ng enerhiya sa buong mundo ay nakapagpapatindi ng climate change. Nagbubuga ito ng carbon at methane at greenhouse gases na naiipon sa ating kalawakan na siyang nagpapainit ng ating mundo.

Ang paggamit natin ng enerhiya ay may direktang epekto sa kalikasan. At ang patuloy nating pagiging “energy inefficicent” ay isa sa malalaking dahilan ng pagtaas ng demand sa enerhiya. Habang tumataas ang demand, nagmamahal ang halaga ng enerhiya habang unti-unting nasisira ang kalikasan.

Kailangan nating magbago. Sabi ni Pope Benedict sa Caritas in Veritate: “One of the greatest challenges facing the economy is to achieve the most efficient use — not abuse — of natural resources.” Ito ay hamon na dapat nating tanggapin at yakapin dahil nakasalalay dito ang kinakabukasan hindi lamang ng kalikasan, kundi ng sangkatauhan.

(Fr. Anton Pascual)