Target ng Department of Health (DoH) na maging “rare disease” na ang tuberculosis (TB) pagsapit ng 2022.

Ang pahayag ay ginawa ni Health Secretary Jean Paulyn Ubial sa programa para sa pagdiriwang ng World TB Day nitong Biyernes ng hapon, na may temang “Sama-samang Tuldukan ang TB”.

Ayon kay Ubial, unti-unti nang bumababa ang incidence ng TB sa bansa sa nakalipas na mga taon, ngunit sinabi niyang nais niya na tuluyan na itong malipol sa pamamagitan ng Philippine Strategic TB Elimination Plan ng kagawaran upang maituring na lamang itong isang rare disease.

Sinabi ng kalihim na maituturing na “rare” o pambihira ang isang sakit kung sa bawat 10,000 indibiduwal ay isa lamang ang dinadapuan ng nasabing karamdaman.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Sa kasalukuyan, aniya, ang incidence ng TB sa bansa ay 323 sa kada 100,000 tao o tatlo sa kada 10,000 indibiduwal.

Nanganganib na mahawa ng TB ang mga bilanggo, mga bata, mga may diabetes, at mga apektado ng human immunodeficiency virus (HIV).

Kaugnay nito, hinikayat ni Ubial ang publiko na makipagtulungan sa DoH sa pagsugpo sa TB. (Mary Ann Santiago)