ZAMBOANGA CITY – Dahil sa matinding pressure mula sa militar, napilitan ang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na palayain kahapon ng madaling araw sa Barangay Basakan sa Mohammad Ajul, Basilan ang kapitan ng M/T Super Shuttle Tugboat 1 na dinukot ng mga bandido dalawang araw na ang nakalilipas.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Capt. Jo-Ann Petinglay na pinalaya si Aurelio Agac-ac, boat captain, ng mga bumihag sa kanya bandang 5:30 ng umaga nitong Sabado sa Bgy. Basakan sa bayan ng Hadji Mohammad Ajul.

Si Agac-ac ang kapitan ng M/T Super Shuttle Tugboat 1, na hinarang ng mga bandido nitong Huwebes habang hinihila ang Panama-registered na M/V Super Shuttle RoRo 9 mula sa Cebu City patungong General Santos City.

Habang tinatawid ang Basilan malapit sa Sibago Island, inatake ng Abu Sayyaf ang tugboat at tinangay sina Agac-ac at Laurence Tiro, chief engineer ng bangka.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaagad namang nabawi ng militar si Agac-ac at dinala sa Camp Navarro General Hospital sa loob ng AFP-WestMinCom headquarters sa Zamboanga City para sa pagsuruing medikal, ayon kay Petinglay.

Dagdag niya, patuloy ang pagtugis ng militar sa mga bandido, na bihag pa rin si Tiro.

Huwebes ng hapon naman nang mapatay si Jaudi Salupuddin, ang isa sa mga dumukot kina Agac-ac at Tiro makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng 19th Special Forces Company ng 4th Special Forces Battalion sa Basilan.

Ayon kay Petinglay, nabaril sa engkuwentro at hindi na umabot nang buhay sa ospital si Salupuddin, na nakumpiskahan din ng isang M16 armalite rifle na may dalawang magazine.

Nauna rito, napatay sa raid ang isa pang miyembro ng ASG na si Bistahan K. Nisalun, alyas “Upang-Upang”, sa Bgy. Lahi-Lahi, Tuburan, Basilan, ayon kay Petinglay.

Inaresto naman ng mga tauhan ng 64th Infantry Battalion ang isa pang bandidong si Rolly Ikihm 47, sa Bgy. Tumahubong, Sumisip, at nakasamsam din ng limang bangkang de-motor. (NONOY E. LACSON)