Sinabi ni Pangulong Duterte kahapon na kinakailangan muna niyang kumonsulta bago umaksiyon sa unilateral ceasefire na napaulat na ilalabas ng Communist Party of the Philippines (CPP) bago matapos ang buwan.
Ayon kay Duterte, hindi niya mapagdedesisyunan nang mag-isa ang mga bagay na ito dahil makaaapekto ito sa interes ng mga Pilipino.
“There is only one President. But that Office of the Presidency is not controlled by me at all. There’s no such thing as an absolute decision especially if it involves the interest of the country,” sabi niya sa isang ambush interview sa Malaybalay, Bukidnon.
Sinabi ni Duterte na kukonsultahin muna niya sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Koko Pimentel, at makikipagpulong din siya sa National Security Council bago umaksiyon sa pahayag ng CPP.
Sinabi niya na makikipagpulong din siya sa mga heneral ng militar at pulisya upang malaman ang magiging epekto ng ceasefire, at binanggit ang mga ginawa ng New People’s Army (NPA) bago niya kinansela ang ceasefire noong Pebrero.
Nagbalik-tanaw si Duterte na ikinagalit niya ang pagkamatay ng isang sundalo dahil umabot sa 70 ang tama ng bala sa katawan nito makaraang ma-ambush ng NPA.
“We fight as warriors but we do not kill people like they’re animals. Kaya nag-init talaga ako, eh. That night I called the (Armed Forces of the Philippines) chief of staff, General (Eduardo) Año, sabi ko, ‘You resume the operations’,” aniya.
Nitong Marso 11, inihayag ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na magpapatuloy ang negosasyon ng gobyerno sa CPP.
Samantala, sinabi ni Duterte na hindi siya naniniwala sa paliwanag ng NPA na pinapatay o dinudukot ng mga ito ang mga sundalo dahil pumapasok ang mga ito sa teritoryo ng mga rebelde.
“My God! I do not recognize any territory of anybody. It belongs to the Republic of the Philippines. Every inch of this island, every body of water is owned by the Republic of the Philippines,” ani Duterte. “Ayaw ko ‘yan. That is a pretext to ambush my soldiers. Ay, hindi, wala tayong pag-uusapan kung ganoon.
Ayon kay Duterte, ang nais niyang gawin ng mga rebelde ay palayain ang lahat ng bihag nito at tumigil na sa pangingikil. Nais din niya na ilagay sa kasulatan ang ceasefire agreement na may malinaw at maayos na mga kondisyon.
(Argyll Cyrus B. Geducos)