SA iniibig nating Pilipinas, kaugalian na ang paggunita sa Kuwaresma, lalo na ang Semana Santa o Mahal na Araw. At sa panahong ito, maraming kaugalian at tradisyon ang binibigyang-buhay at pagpapahalaga. Maraming Kristiyanong Katoliko ang nagninilay, nagbabalik-loob sa Diyos, nag-aayuno at nangingiin. Mayroon ding nagsisimba at nagbibisita iglesya, nagbi-via crucis at nagpipinitensiya sa paniwalang ang kanilang ginagawa’y makalulugod sa Dakilang Lumikha at nakahuhugas ng kanilang mga kasalanan at nagbibigay-tingkad sa kabanalan ng Mahal na Araw.

Bagamat maraming anyo at paraan ng paggunita sa Mahal na Araw, may ilan pa ring tradisyon na masasabing namumukod at natatangi ‘pagkat magkasabay isinasagawa. At kapag naririnig at nakikita ng mga tao ay mas nadarama ang diwa ng Mahal na Araw. Ang mga tradisyon na ito ay ang pagbabasa ng PASYON at PABASA.

Ang Pasyon ay isang epikong patula na nagsasalaysay ng mga paghihirap at pasakit ng ating Panginoong Jesukristo. Ang kasaysayang nakapaloob sa epiko ay nagsisimula sa Paglalang (creation) hanggang sa Assumption o Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birhen. Apat na Pasyon ang nasulat noong panahon ng Kastila. Ang unang Pasyon ay ang isinulat ni Gaspar Aquino de Belen noong 1704. Ang ikalawa’y ang isinulat ni Don Luis Guian noong 1750. Ang mga sumunod na nagsisulat ng Pasyon ay sina Padre Mariano Pilapil, 1814; at Padre Aniceto de la Merced, 1856.

Sa apat na Pasyon na isinulat ng dalawang pari at ng dalawang karaniwang mamamayan, ang Pasyon na isinulat ni Padre Mariano Pilapil o Pasyong Pilapil ang naibigan ng mga tao. Isinalin ito sa lahat ng mga malaganap na dialect o wika sa Pilipinas gaya ng Bikol, Iluko, Bisaya at Kapampangan. Hanggang ngayon, ang Pasyong Pilapil ang ginagamit sa mga Pabasa sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan tulad sa Rizal na ang Pabasa ay isang buhay na tradisyon tuwing Kuwaresma at Semana Santa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tatlo lamang ang nakilala sa apat na sumulat ng Pasyon. Sila’y sina Padre Aniceto de la Merced, Padre Mariano Pilapil at Gaspar Aquino de Belen. Tubong Bulacan si Padre Mariano Pilapil. Nag-aral at pagkatapos ay naging propesor at rektor sa Colegio de San Jose na itinayo ng mga paring Heswita. Noong kanyang kapanahunan, siya’y tinaguriang “Ciceron” sapagkat mahusay siyang sumulat ng sermon at magsermon o mag-homily. Nakamit niya ang titulong Doktor sa Sagrada Teolohiya (SacedTheology). Sinasabing siya ang nagturo kay Francisco Balagtas sa pagtula. Kinilala rin siyang isang mabait na pari. Ang mga isinulat ni Padre Mariano Pilapil ay hitik sa magigiting na kaisipan at sagana sa pagpapahayag ng mga damdamin ng isang kaluluwang banal.

Tanyag na makata at Tagalista naman si Padre Aniceto de la Merced na isinilang sa Noragaray, Bulacan. Nagtapos siya ng Sacred Theology. Karamihan sa kanyang tulang isinulat ay nalathala sa “Apostolado de la Prensa”, pahayagang Katoliko na lumabas sa Maynila noong 1894-1896.

Ang unang sumulat ng Pasyon na si Gaspar Aquino de Belen ay hindi isang pari tulad nina Padre Mariano Pilail at Padre de la Merced. Siya’y isang manlilimbag at tagasaling-wika o translator. Isa sa tanyag na akdang naisalin niya sa Tagalog ay ang “Mga Panalanging Nagtatagubilin sa Taong Naghihingalo” na isinulat sa Kastila ng isang paring Heswita na si Padre Tomas de Villa. (Clemen Bautista)