Regine Villamejor, a daughter of a fisherman from Argao, Cebu, f

CEBU CITY – “Huwag kayong titigil sa pag-abot sa inyong mga pangarap, kahit gaano pa kahirap o kaimposible ito.”

Ito ang malinaw na mensahe ng 20-anyos na si Regine Cañete Villamejor, anak ng isang mangingisda at isang fish vendor, ilang minuto bago magsimula ang kanyang graduation sa University of San Jose-Recoletos (USJ-R) sa Cebu City kahapon.

Nagbunga ang apat na taong pagsisikap niya sa pag-abot sa kanyang mga pangarap, dahil nagtapos siyang magna cum laude sa pagkumpleto ng Bachelor of Arts in Liberal Arts and Commerce degree.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Napakahirap, pero lagi akong positibo sa bawat sitwasyon. Para ma-motivate ako, sinasabi ko lagi sa sarili ko na may mas mahirap pa ang kalagayan kaysa akin,” sabi ni Villamejor.

Panganay sa tatlong magkakapatid, tanging ang pangingisda ng kanyang ama at pagbebenta ng huli ng kanyang ina ang nagpaaral sa dalaga. Pinagkasya niya ang P700 lingguhang allowance, na kinabibilangan na ng kanyang bayad sa boarding house, pagkain sa araw-araw at mga gastusin sa eskuwela.

Dahil alam na kakapusin sa panggastos ang kanyang mga magulang, nagsikap si Villamejor upang mapabilang sa dean’s list para magkaroon ng 50 porsiyentong diskuwento sa matrikula. Para manatili sa list, kinailangang hindi bumaba sa 1.4 ang kanyang grado. Naglako rin siya ng mga biskuwit sa kanyang mga kaklase upang kumita.

Sa kabila ng kanyang abalang schedule, nakauuwi pa si Villamejor sa kanyang bayan tuwing weekend upang tumulong sa ina sa pagbebenta ng isda, na ginagawa niya simula pagkabata.

“Kapag naaalala ko ‘yung mga pinagdaanan ko, nare-realize ko na ang mga ‘yun ang nagpatatag sa akin. Gusto kong pasalamatan ang mga magulang ko. Kung anuman ang narating ko, dahil ‘yun sa kanila,” sabi niya.

Umaasa rin si Villamejor na pagkatapos ng graduation ay makapagtatrabaho siya agad upang mapaaral niya ang dalawang nakababata niyang kapatid na lalaki—sina Jonard, 15; at Ramer, 17 anyos. (Mars W. Mosqueda, Jr.)