Tumataginting na P86.6 milyong halaga ng pekeng sapatos ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsalakay ng awtoridad sa ilang tindahan sa Pasay City.

Magkakatulong na hinakot ng mga operatiba ng Intellectual Property Rights Division (IPRD) ng NBI ang mga pekeng sapatos nang pasukin nila ang iba’t ibang tindahan sa One Shopping Center sa kahabaan ng J. Fernando Street, Pasay City nitong Miyerkules.

Ayon sa NBI-IPRD, ang mga nakumpiskang pekeng sapatos ay pawang Nike at Converse ang tatak.

Samantala, inihahanda na ng NBI ang mga kasong isasampa laban sa mga tindero at tindera at pati na ang may-ari ng unit na kinalalagyan ng mga nakumpiskang sapatos.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mahaharap mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 8293, ang Intellectual Property Code of the Philippines.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang Jaime S. Dela Cruz ng I-Data, distributor ng Nike at Converse sa bansa.

Dahil dito, inihanda ng NBI ang search warrant na inisyu ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court Branch 46. (Jeffrey G. Damicog)