TRADISYON nang tukuyin ang antas ng mga bansa batay sa kanilang Gross Domestic Product (GDP) na sumusukat sa halaga sa merkado ng mga produkto at serbisyong iniaalok ng isang bansa sa loob ng isang taon. Ngayong taon, nangunguna ang United States sa GDP, kasunod ang China, Japan, Germany United Kingdom, France, India, Italy, Brazil at Canada.
Taong 2011 nang inaprubahan ng United Nations General Assembly ang resolusyon na nag-iimbita sa mga kasaping bansa upang sukatin ang kaligayahan ng mamamayan nito at gamitin ang makukuhang datos bilang gabay sa paglikha ng mga pampublikong polisiya. Ito ang pinagsimulan ng Gross National Happiness (GNH) index, na ibinabatay sa anim na bagay—ang per capita GDP, suportang panlipunan, tagal ng malusog na buhay, kalayaan sa pagpapasya, at kawalan ng kurapsiyon sa gobyerno at sa negosyo.
Sa listahan ng GNH ng 155 bansa, nangunguna ngayong taon ang Norway, na sinusundan ng Denmark, Iceland, Switzerland, Finland, Netherlands, Canada, New Zealand, Sweden, at Australia. Ang nangunguna sa GDP, ang Amerika, ay pang-14 lamang sa GNH, habang nasa ika-79 na puwesto naman ang China.
“Happy countries are the ones that have a healthy balance of prosperity, as conventionally measured, and social capital, meaning a high degree of trust in a society, low in inequality, and confident in government,” sabi ni Jeffrey Sachs, director ng Sustainable Development Solutions Network (SDSN) na naghanda sa pag-aaral at sa listahan para sa United Nations.
Ang mga bansang Nordic ang nanguna sa listahan ng GNH. Sa pananaw ni Meik Wiking, chief executive officer ng Happiness Research Institute sa Copenhagen, Denmark, ito ay dahil ang mga bansang ito sa Northern Europe ay mayroong “sense of community and understanding in the common good.”
Gaya ng inaasahan na, nangulelat sa listahan ang Syria at Yemen, na parehong ilang taon nang winawasak ng digmaang sibil, na pinaigting ng pagkamuhi sa relihiyon, kasama ang maraming bansa sa sub-Saharan Africa.
Sa bahagi nating ito sa mundo — sa Silangan at Timog-silangang Asya — pinakamataas sa listahan ang Singapore sa ika-26 na puwesto. Pang-32 ang Thailand, ika-33 ang Taiwan, ika-42 ang Malaysia, ika-51 ang Japan, ika-56 ang South Korea, at pang-71 ang Hong Kong. Ang Pilipinas ay pang-72 sa listahan.
Kung susumahin, nasa gitna tayo ng listahan ng 155 bansang sinuri para sa pag-aaral. Para sa isang bansang ipinagsisigawan sa mundo na “it’s more fun in the Philippines”, dapat na mas mataas pa sa 72 ang puwesto natin sa GNH list. May posibilidad na pumuwesto tayo sa listahan ng mas mataas pa kung mapabubuti pa natin ang ating iskor sa ikaanim na factor na ginamit sa pagsukat sa GNH—ang kawalan ng kurapsiyon sa gobyerno at sa mga negosyo.