Kinumpirma kahapon ng militar na may 237 pamilya ang lumikas sa Barangay Camutan sa Antipas, North Cotabato nitong Huwebes ng umaga upang maiwasan ang pamimilit ng New People’s Army (NPA) na sumapi sila sa kilusan.

Sinabi ni Army Captain Rhyan B. Batchar, hepe ng 10th Infantry Division Public Affairs Office, na inutusan na ni Antipas Mayor Egidio Cadungon ang Local Crisis Management Committee upang ayudahan ang 237 pamilya na pansamantalang nakatuloy sa Antipas Municipal Gym sa Bgy. Poblacion.

Kasabay nito, isang sundalo, isang miyembro ng CAFGU (Civilian Armed Force Geographical Unit) at dalawang rebelde ang napatay sa serye ng bakbakan sa magkakahiwalay na insidente sa Agusan del Sur, Davao Oriental at Bukidnon nitong Huwebes.

Tatlo pa sa militar ang nasugatan sa mga engkuwentro.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Army Captain Joe Patrick A. Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, na dakong 1:30 ng hapon nitong Huwebes at nagpapatrulya ang 26th Infantry Battalion sa Sitio Mandanao, Bgy. Bunucayan, Loreto, Agusan del Sur nang makasagupa ang mga rebelde, na ikinamatay ng dalawa sa mga ito, habang hindi pa kinikilala ang nasawing CAFGU.

Napaslang naman sa engkuwentro sa Bgy. PM Sobrecary sa Caraga, Davao Oriental si Sgt. Leo Lugo habang sugatan si Pfc Rodolfo Bascon.

Sugatan din sa bakbakan ng 60th Infantry Battalion at ng Guerilla Front 55 sa Bgy. Cayaga, San Fernando, Bukidnon sina Corporals Zhelmer Roquero at Hansen Dave Pajarillo. (FRANCIS T. WAKEFIELD at ANTONIO L. COLINA IV)