Patay ang isang bagitong pulis makaraang malapitang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Muntinlupa City, nitong Miyerkules ng hapon.
Ilang tama ng bala sa ulo at kanang bahagi ng tadyang ang ikinamatay ni PO1 Marlon Nofuente y Cojuanco, 32, miyembro ng Philippine National Police (PNP) at nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD).
Inaalam na ng Muntinlupa City Police ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng itim na helmet at jacket.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson, dakong 5:30 ng hapon nangyari ang pamamaril sa ML Quezon Street, Purok 4, Sucat, Muntinlupa City.
Sa pahayag sa pulisya ng live-in partner ni Nofuente na si Apple Grace Catindig, nasa hustong gulang, naghihintay sila ng tricycle nang biglang sumulpot ang dalawang armadong lalaki na sakay sa motorsiklong walang plaka at ilang beses pinaputukan ang biktima.
Isinugod pa sa Ospital ng Muntinlupa si Nofuente namatay din ito habang nilalapatan ng lunas, bandang 6:18 ng gabi.
Patuloy ang imbestigasyon sa pagpatay kay si Nofuente. (Bella Gamotea)