Nasamsam ng Bureau of Customs (BoC) sa Tagoloan, Misamis Oriental ang daan-daang kahon ng imported na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P15 milyon, lulan sa isang 40-foot container van. Sa ulat kay Customs Intelligence Group Deputy Commissioner Teddy Raval, idineklara ng consignee ang kargamento bilang disposable diapers, ngunit nang siyasatin ang ikalawa at ikatlong layer ay nadiskubre ang mga sigarilyong galing sa Singapore.
Ayon pa sa ulat, ang mga kargamento ay dumating sa sub-port ng Mindanao Container Terminal (MCT) noong Disyembre 13, 2016, ngunit nang hindi nagpakita ang consignee ay nagbaba ang ahensiya ng alert order upang buksan ang container.
Kinilala ang importer bilang Black Petal Commercial, nakabase sa Cagayan de Oro City, na binigyan ng 15 araw upang magprisinta ng mga kinakailangang dokumento. (Mina Navarro)