ANG usapin tungkol sa unti-unting pagkalusaw ng ating pamanang lahi at integridad ng ating pambansang teritoryo ay napakahalagang isyu na dapat tutukan at resolbahin ng Malacañang.

Ang pinakamalakas at pinakamakatwirang tinig kaugnay ng masalimuot na usaping ito ngayon ay nagmula kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio. Pinayuhan niya ang Malacañang na tutulan ang naulat na pagawain ng China sa Panatag (Scarborough) Shoal, maging ito ay pangkapaligirang proyekto o ano pa man.

Matapos kamkamin ang maliliit na isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea, waring biro at laro lamang ng China ang pakikipagdiplomasya nito sa atin at malinaw na itinuturing tayong mahina at walang magawa sa panghahamak ng ibang bansa.

Nagulat ang marami nang diretsong pinayuhan ni Justice Carpio si Pangulong Duterte na tanggapin na ang alok na joint military exercises ng US sa pinag-aagawang lugar sa West Philippine Sea, sa ilalim ng matagal nang Philippine-US Mutual Defense Treaty para balaan ang China sa pambu-bully nito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil sa naunang mga pahayag ng Pangulo na itatakwil na ng Pilipinas ang pakikipag-alyansa nito sa US at unti-unti na itong kumiling sa China at Russia, naging lalong magaspang naman ang Beijing sa pagkamkam ng iba pang territory ng bansa na tila hinahayaan naman natin. Sa tingin ng marami, ito ay kapalit ng pangakong bilyun-bilyong dolyar na ibubuhos ng China sa ating ekonomiya.

Gayunman, ang tila kaakit-akit na pangakong ito ay tahasan namang kontra sa kawalang respeto ng China at walang pasubaling pagyurak sa integridad ng Pilipinas. Lalo pa itong naging kontrobersiyal nitong nakaraang linggo nang sabihin ni Pangulong Duterte na “hindi natin mapipigilan ang China na gawin ang gusto nito sa itinuturing niyang sariling teritoryo.”

Bagamat hindi direktang tinutuligsa ni Justice Carpio ang paninindigan ng Palasyo sa Panatag, pinayuhan niya ang Pangulo na “huwag gumawa ng anumang pahayag, deklarasyon o aksiyon na hayagang magsusuko ng ating soberanya sa anumang teritoryo na sadyang atin ayon sa Saligang Batas at ng batas internasyunal.

Ipinaliwanag ni Carpio na kung ipagtatanggol at pangangalagaan ng pamahalaan ang lahat ng bahagi ng bansa, matitiyak ang pagsalin nito at sa ating pamanang lahi, kasama na ang West Philippine, sa mga susunod na henerasyong Pilipino.

Binigyan-diin niya na ang anumang pahayag na walang kakayanan ang Pilipinas na pigilin ang China sa pagtatatag ng anumang istruktura sa Panatag Shoal ... ay hihimok lamang sa China para lalong maging agresibo sa pagkamkam nito sa teritoryo natin.

At dahil nga sa binabalewala na natin ang US bilang kaalyado, waring unti-unti na ring nawawala ang mahahalagang bahagi ng ating teritoryo. Bukas, mawawala sa atin ang Panatag Shoal; sa susunod na linggo, Benham Rise naman.

(Johnny Dayang)