Sinabi ni Pangulong Duterte kahapon na kapag nagdeklara ng martial law sa Mindanao ay maaaring magtatag ng mga military court na lilitis at bibitay sa mga terorista at drug criminals.
Sinabi rin ng Pangulo na gagamitin niya ang buong kapangyarihan ng panguluhan kapag lumubha ang sitwasyon ng seguridad sa katimugan.
“‘Pag ako ang nag-martial law, tatapusin ko lahat ng problema hindi lang sa droga,” sabi niya sa mga reporter nang umuwi siya kahapon mula sa pagbisita sa Thailand at Myanmar.
“Maybe I will just also create martial courts. I will allow the military to try you and to put you to death by hanging,” dagdag niya.
Inamin ng Presidente na posibleng sumadsad ang bansa kapag nagdeklara siya ng martial law upang sugpuin ang mga banta sa seguridad.
“Pasensiya, wala na akong magawa. It’s either I save the Republic or I prevent it exploding. I will be harsh and harsh is harsh. Do not try it. Do not try it kasi kakasahan ko talaga kayo,” sabi niya.
Dati nang nagpahayag ang Presidente sa posibilidad ng martial law kapag umigting pa ang kaguluhan sa Mindanao. (Genalyn Kabiling at Beth Camia)