SA susunod na linggo ay muling maghaharap ang mga kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NDF-CPP-NPA) sa Oslo, Norway, upang talakaying muli ang usapang pangkapayapaan na pansamantalang natigil noong Pebrero, kaugnay ng hindi pagkakasundo sa hiling ng NDF na palayain ang nasa 400 bilanggong pulitikal.
Simula nang makansela ang negosasyon noong Pebrero 10, sinabi ni Armed Forces of the Philippines public affairs chief na si Col. Edgardo Arevalo na 14 na sundalo na ang napapatay, 36 ang nasugatan at tatlo ang dinukot. Sa panig naman ng NPA, 23 miyembro nito ang nasawi, 19 ang naaresto at 87 ang sumuko. Nagdusa maging ang mga sibilyan sa muling pagsiklab ng mga labanan—isang pampasaherong bus at isang delivery van ang sinunog ng NPA at 357 sibilyan ang lumikas mula sa kani-kanilang tahanan upang makaiwas sa bakbakan.
May panahon matapos makansela ang opisyal na negosasyon ay nagdaos ng pag-uusap sa Utrecht, Netherlands sa pagsisikap na maisalba pa ang mga unang napagkasunduan kaugnay ng maraming usaping socio-economic at pulitikal-legal.
Sinabi ni Pangulong Duterte na pahihintulutan niya ang pagpapatuloy ng negosasyon kung palalayain ng NPA ang mga bihag nitong sundalo at pulis, titigilan na ang panununog ng mga ari-arian ng mga pumapalag sa pangingikil, hihintuan ang pagtatanim ng mga landmine, at titigilan na ang panghihingi ng mga revolutionary tax. Nitong Lunes, tumugon ang mga rebeldeng Komunista sa pagsasabing handa silang palayain ang pitong bihag ng kilusan kasabay ng paghiling sa military na tiyakin ang kaligtasan ng mga bilanggo ng pamahalaan.
Apatnapu’t siyam na taon na ang nakalipas nang simulan ng NPA ang rebelyon laban sa gobyerno ng Pilipinas at bagamat may mga una nang negosasyon, pawang nabigo ang mga ito dahil sa mga hindi mapagkasunduang posisyon sa maraming usapin. Inaasahan ni Pangulong Duterte ang matagal na nilang pagkakaibigan ng dati niyang propesor sa Lyceum na si Jose Ma. Sison, ang nagtatag ng CPP, nang kaagad niyang isulong ang usapang pangkapayapaan makaraan siyang maluklok sa puwesto noong Hunyo.
May mga pangambang ilang miyembro ng NPA ang hindi pa handang isuko ang laban. Kailangang tiyakin ng mga lider-pulitiko ng NDF at CPP na nagkakaisa ang tatlo nitong organisasyon sa kanilang mga layunin para sa hinahangad na kapayapaan at tanggapin ang mga kasunduang kompromiso na puntirya ng usapang pangkapayapaan.
Sa unang linggo ng Abril ay muling sisikapin ng magkabilang panig na mag-usap at hangad nilang mapagkasunduan ang tigil-putukan. Mula sa paunang hakbanging ito sa muling pag-uusap, dapat na magkasundo ang magkabilang panig sa mga pangunahing usapin na hindi nila mapagkasunduan. Mahalagang maunawaan na nila sa ngayon na mahalagang marunong silang magkompromiso kung tunay na hangad nilang malagdaan ang isang kasunduan na magbibigay-daan sa kapayapaan.