Plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling ipagpaliban ang barangay elections na itinakda sa Oktubre 23, 2017.

Sinabi ni Pangulong Duterte sa press conference pagdating niya mula sa Bangkok, Thailand kahapon ng madaling araw na hindi niya papayagang mahalal ang mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga na gagamit ng drug money sa kampanya.

Ayon sa Pangulo, hihilingin niya sa Kongreso na magpasa ng batas o resolusyon para hindi matuloy ang barangay elections dahil 40% ng mga kapitan sa buong bansa ay sangkot sa droga.

Binabalak na lamang ni Presidente Duterte na magtalaga ng officer-in-charge sa mga incumbent barangay captain na nasa holdover capacity.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Aniya, hihiling siya ng nominasyon mula sa Simbahang Katoliko at iba pang relihiyon o sekta, civil society groups at non-government organizations (NGOs) at sa mga rekomendasyon na iyon pipiliin ang itatalagang OICs sa mga barangay.

Samantala, sinabi naman ng Commission on Elections (Comelec) na ipagpapatuloy nito ang paghahanda para sa barangay elections.

Ipinaliwanag ng Comelec spokesperson na si James Jimenez na ang poll body ay tumatalima lamang sa ipinag-uutos ng batas.

Kung magdedesisyon ang Kongreso na sundin ang posisyon ng Presidente sa pagpapasa ng batas na magpapaliban sa eleksiyon, sinabi ni Jimenez na tatalima ang Comelec tulad ng lagi nitong ginagawa.

Ang batas sa pagpapaliban ng barangay at SK elections noong Oktubre 31, 2016 ay inaprubahan ng Pangulo noong Oktubre 15, 2016. Sa naturang batas ay iniusog ang eleksiyon sa Oktubre ngayong taon. (Beth Camia at Leslie Ann Aquino)