PHILIPPINES-MALAYSIA-KIDNAPPING-CRIME-UNREST

Matagumpay na nailigtas nitong Huwebes ng grupo ng mga operatiba ng Joint Task Force Sulu ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawang Malaysian mula sa Abu Sayyaf Group(ASG) sa karagatan ng Kalinggalang Caluang malapit sa isla ng Pata sa Sulu.

Kinumpirma ni AFP Spokesperson Marine Col. Edgard Arevalo na bandang 2:00 ng umaga nitong Huwebes nang nailigtas sina Tayudin Anjut, 45; at Abdurahim Bin Sumas, 62, makalipas ang walong buwang pagkakabihag.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokeswoman Army Captain Jo-Ann D. Petinglay, nabawi ang dalawang Malaysians sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Marine Ready Force Sulu, ng Marine Special Operations Group, at ng Marine Battalion Landing Teams 1 at 3 sa Kalinggalang Caluang.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon sa AFP, ikinasa nila ang rescue operation makaraang makatanggap ng tip na ibibiyahe ng mga bandido sa bangka ang dalawang bihag upang dalhin sa Pata Island sa Sulu.

Sinabi ni Capt. Petinglay na nagmamadaling iniwan ng mga bandido ang dalawang Malaysian nang mamataan ang mga papalapit na sundalo.

Kabilang sina Anjut at Sumas sa limang mangingisdang Malaysian na hinarang at dinukot ng Abu Sayyaf mula sa tugboat habang naglalayag patungong Lahad Datu sa Malaysia noong Hulyo 2016.

Matatandaang humirit ang bandidong grupo ng P100 milyon ransom kapalit ng pagpapalaya sa naturang mga bihag.

Dinala ang dalawang dayuhan sa Camp General Teodulfo Bautista sa Jolo para sumailalim sa debriefing.

Sa pagkakaligtas sa dalawang Malaysian, nasa 29 pa ang bihag ng Abu Sayyaf: 23 dayuhan at anim na Pinoy.

(FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)