UNANG nagkatrabaho sina Yen Santos at Direk Dondon Santos sa teleseryeng All of Me noong 2015 na sina JM de Guzman, Aaron Villaflor at Albert Martinez ang leading men ng dalaga mula sa unit ni Direk Ruel Bayani.
Magaan daw katrabaho si Yen ayon kay Direk Dondon na nagustuhan ang rawness ng aktres kaya nabanggit niya sa sarili na kapag may movie project siya ay isasama niya ito at heto na nga, natupad na ito sa Northern Lights: A Journey to Love na pinagbibidahan ni Piolo Pascual.
Binanggit muna ni Direk Dondon kay Piolo na si Yen ang babagay na leading lady sa kanya, na nagustuhan din ng aktor na nasubaybayan pala ang All of Me at gusto rin niya ang pagiging simple ng dalaga.
Kaya naman dito na nagsimula ang tsismis na type raw ni Direk Dondon si Yen, bagay na klinaro kaagad ng aktres.
“Nakakaloka ‘yon!” napatawang sabi ni Yen. “Laslas na ako, charot! Pero wala talaga, wala po.”
Headwriter ng It’s Showtime ang asawa ni Direk Don at kilala ni Yen dahil nagkikita sila kapag guest siya sa show.
And for nth time, muli na namanng klinaro ni Yen ang tsikang may boyfriend siyang pulitiko at may anak pa -- bagay na ayaw sanang i-dignify ng dalaga, pero kailangan na.
“Ayaw ko po sagutin sana kasi hindi naman totoo, eh. Parang nag-uumpisa pa lang ako, nakadikit na ‘yung isyu na ‘yon sa akin. Marami pa pong ganyan, hindi ko na lang pinapansin. Pero wala po, wala talaga.
“Meron siyempreng mga umaaligid, hindi naman ‘yon maiiwasan. Dati meron, pero hindi ko sinagot,” mariing pahayag ng dalaga.
At tungkol sa anak...
“Hindi po totoo ‘yan. Kasi po, uulitin ko, kapatid ko po siya and three years old po siya. Huwag na po natin siyang idamay, kasi bata pa po ‘yon.
“At saka kung meron, bakit ko naman itatago, di ba? At saka kahit sa Instagram, panay naman po ang post ko. Saan ko naman ilalagay ‘yon, di ba? Hindi naman din maiiwasan na sabihin ng iba na anak ko, kasi ang layo nga ng gap.”
Oo nga, bakit ba lagi na lang nasasabihang may anak na si Yen? Hindi naman siya nawala nang matagal para sabihing nagbuntis at nanganak siya. Kung three years old na ang bata, noong mga panahong iyon ay tuluy-tuloy ang tapings niya ng serye nila ni Gerald Anderson na shelved na at pinalitan siya ni Kim Chiu.
At kahit nawala si Yen sa project nila ni Gerald, kaliwa’t kanan pa rin ang TV guestings niya kaya talagang imposibleng naging ina siya sa tatlong taong gulang na bata.
Pero sa Northern Lights: A Journey to Love, bagay din siyang maging stepmom ni Raiko Matteo na anak ni Piolo sa pelikula. (REGGEE BONOAN)
