Balak ng Philippine National Police (PNP) na maghigpit pa ng seguridad sa iba’t ibang pantalan sa Metro Manila at sa mga lalawigan na may direct access sa National Capital Region.

Ito ay makaraang ihayag ng pulisya nitong Martes na naniniwala itong napasok na ng Maute terror group ang Metro Manila makaraang madakip ang isa sa mga miyembro ng grupo na inutusan umanong magsagawa ng pambobomba sa Metro Manila.

“We will take precautionary measures to ensure the security of the public not just only in Metro Manila but also in other places,” sabi ni Senior Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP.

Aniya, tututukan ng pulisya ang tinatawag na nautical highway o RORO (Roll-on, Roll-Off), na ginagamit ng mga hinihinalang terorista na maaaring sumakay sa Visayas o Mindanao para magbiyahe ng bomba patungong Luzon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ni Carlos na posibleng magdagdag ng mga pulis sa iba’t ibang pantalan upang mapaigting ang pag-iinspeksiyon at pagpapatupad ng seguridad sa mga tao at sasakyang dumarating sa mga pantalan sa Maynila at Luzon.

Nilinaw din ni Carlos ang sinasabing pagkakaiba ng intelligence reports ng PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng presensiya ng Maute sa Metro Manila at sinabing ang sa pulisya ay “result of an investigation, they (militar) are saying that based on their monitoring.”

Sinabi naman kahapon ng AFP na bineberipika pa nito ang posibleng presensiya ng Maute sa Metro Manila.

“There is no contradiction with the PNP headquarters on that account because at that time of the media event at the PNP heaquarters, the Armed Forces did not possess the information and the data that was necessary to make a more extensive statement,” sabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla. “So we could not link anything, or conclude anything until we have the information.” (Aaron B. Recuenco at Francis T. Wakefield)