MABAIT, matapang at matiisin (pasensiyoso) tayong mga Pilipino. Handa tayong magbuwis ng buhay kung kinakailangan.

Napatunayan na ito nang lumaban tayo sa mga Kastila, Amerikano at Hapon na pawang sumakop at umukopa sa atin sa loob ng maraming taon.

Inihahambing nga tayo sa kalabaw na walang reklamo habang matiyagang nagbubungkal ng lupa. Gayunman, tayong mga Pinoy ay parang kalabaw na naniningasing at nanunuwag kapag labis na ang paghihirap at kaapihan. Para tayong isang mulawin na matigas at matatag ngunit para ring kawayan na yumuyuko sa hampas at bigwas ng hangin.

Ngayon, nahaharap na naman ang Pilipinas sa isang matinding pagsubok. Hindi na tulad ng lantarang pananakop ng mga Kastila, Amerikano at Hapon. Unti-unting sinasakop ng China ang ating mga reef at shoal, partikular ang Panatag Shoal (Scarborough Shoal), na tradisyunal na pinangingisdaan ng ating mga kababayan. Parang wala tayong magawa sa ginagawang ito ng bansa ni Xi Jinping.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayaw kilalanin ng dambuhalang China ang paborableng desisyon ng Permanent Arbitral Court sa The Netherlands na walang legal na karapatan ang China na angkinin ang halos kabuuan ng West Philippine Sea (South China Sea), kabilang ang teritoryo na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).

Parang si President Rodrigo Duterte ang wari’y atubili na igiit na may karapatan tayo sa Panatag Shoal, na kaylapit lang sa Masinloc, Zambales, pero kaylayo naman sa China. Ang Panatag ay palaisdaan na ng mga Pinoy noon pang panahon ng Kastila kaya ang tawag dito ay Bajo de Masinloc. Nang okupahan ng Chinese Coast Guard ang lugar na ito noong 2012, pinagbawalang mangisda ang ating fishermen. Nagkasundo noon na kapwa aalis ang ‘Pinas at China sa Panatag, pero hindi umalis ang China gayong tayo naman ay tumalima.

Sa isang English broadsheet noong Lunes, nagdudumilat ang banner story nito: “Duterte: I can’t stop China in Panatag.” Sinabi ng machong Presidente na humigit-kumulang na sa 8,000 suspected drug pusher at user (ilan ba ang naitumbang big-time shabu suppliers at drug lords?) ang napapatay sa drug war, hindi raw kaya ng ‘Pinas na pigilin ang China sa pagtatayo ng mga balangkas doon, tulad ng “environmental monitoring station” o radar sa Panatag Shoal.

‘Di ba’t may mga report na marami nang balangkas ang naipapatayo roon at “militarized” na raw ang nasabing lugar?

Hinangaan, pinalakpakan at ibinoto ng mga tao si candidate Duterte nang ihayag niya na pupunta siya sa WPS (skiing) kahit nag-iisa at ititirik ang bandilang Pilipino sa Scarborough Shoal upang ipaalam sa China na atin iyon. Anyare?

Hindi raw natin kayang giyerahin ang dragong nasyon dahil mahina ang ating military. Hindi naitirik ang PH flag.

Katwiran ni Mano Digong: “We cannot stop China from doing those things. Even the Americans could not stop them”. Tama rito si PRRD. Bakit nga hindi pinigilan ito ng Amerika ni ex-Pres. Obama noon gayong paulit-ulit na sinasabing kaalyado at kaibigan tayo ni Uncle Sam? Dagdag pa ng tigasing alkalde na ngayon ay pangulo ng Pinas: “Ano ang gusto ninyong gawin ko? Magdeklara ng giyera sa China? Hindi ko gagawin ito. Mapapatay na lahat ang ating mga kawal at pulis, at tayo ay magiging isang wasak na bansa.” (Bert de Guzman)