Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
Game 2, Best-of-Three
3 n.h. -- Tanduay vs Cignal
5 n.h. -- Racal vs Cafe France
MULA nang sumabak sa PBA D-League, ngayon lamang nakaabot sa semifinals ang Racal. Kung papalarin, matitikman din nila ang pedestal sa championship.
Tatangkain ng Tile Masters na makumpleto ang sweep laban sa Café France sa Game Two ng kanilang best-of-three semifinal duel ngayon sa PBA D-League Aspirant’s Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakuha ng Tile Masters ang 1-0 bentahe sa serye nang maungusan ang Bakers, 88-86, mula sa buzzer -beater triple ni Sidney Onwubere sa Game One nitong Martes.
Asam ng Racal na tapusin ang duwelo sa Bakers ganap na 5:00 ng hapon.
Gayunman, batid ni coach Jerry Codinera na hindi magiging madali ang hangad nilang makausad ng finals dahil inaasahan nilang babawi ang Bakers.
“The name of the game is to be patient. Anything can happen, anything is possible. We expected a down the wire affair,” sambit ni Codinera.
Kumpiyansa si Codinera na mapapanatili ni Onwubere ang mainit na shooting touch, habang aasa naman sila sa suportang ibibigay nina Jackson Corpuz, Kent Salado, at Rey Nambatac.
Para kay Cafe France coach Egay Macaraya, inaasahan niyang matututo ang kanyang mga players sa pagkatalong natamo sa Game One.
“I guess this loss will make us a better team. With a young team like this, I know we can develop more and we could improve more knowing all of these circumstances,” sambit ni Macaraya.
Nais niyang makita ang mas consistent na ayuda sa kanilang Congolese slotman na si Rod Ebondo.
“We cannot rely on just Ebondo because Ebondo is not Superman. Ebondo will always be a problem inside for the opponents, but wala na akong pamalit sa kanya. He needs the help,” ayon kay Macaraya.
Magtutuos naman ang Tanduay at Cignal-San Beda ganap na 3:00 ng hapon sa hiwalay na semis pairing kung saan target ng Tanduay na makopo ang final slot.
Nanaig ang Rhum Masters sa Game One, 66-55.
“I just told them that it's not over yet. Tanduay has to beat us one more time. So for us, we just have to see what we've done wrong and try to adjust. And hopefully we can recover, take good care of Game 2, and look forward for Game 3,” pahayag ni Cignal coach Boyet Fernandez. (Marivic Awitan)