‘TULAD ng una kong hula sa espasyong ito (pati na sa Tempo at Manila Bulletin) bilang babala noong 2016, ang susunod na teritoryong lulugsuhin ng China ay ang Panatag Shoal o sa ibang pagkakakilala ay Scarborough Shoal (SS). Nito lang nagdaang ilang araw, kinumpirma ng alkalde ng Sansha City na si Xiao Jie na magtatayo nga ito ng “monitoring stations” sa SS. Sa salitang kanto, ginagapang ng Beijing ang ating karagatan. Ang estratehiyang ipinatutupad nito ay “creeping invasion”. Maituturing itong isang uri ng paglusob sa ating soberanya. Hindi aksidente ang mga nakababahalang hakbang ng China sa WPS. Ibang mag-isip, magplano, at dumiskarte ang Intsik.
Sa kanilang pag-uugali, kahit pa abutin ng deka-dekadang pagtitimpi, ay kunyaring mahimbing na nakahimlay ang tigre ng Asya. ‘Yun pala, nagbibilang ito ng panahon at tamang pagkakataon upang maisakatuparan ang tanging naisin nito.
Dahil sa diktadurya ng iisang partido, madali makalikom ng pinanday na kaisipan at layunin ang liderato nito— hangaring manambang sa pagsasaklaw ng karagdagang lupain at karagatan. Kumpara sa ating sistema ng Demokrasya, tuwing 6 na taon pinapalitan ang administrasyon, kaya ang polisiya sa WPS at China, pabagu-bago rin. Sa ganitong siste, tagilid tayo. Kasabay ng bagong peligro sa SS, sinisipat na rin ng China ang Benham Rise sa hugas kamay na pagpapasintabi lamang daw sa Silanganan ng Aurora province.
Dahil inaral tayo ng China at papaano bumahag sa isyu ng WPS, kahit nagwagi pa sa kasong isinampa natin sa UN Permanent Court of Arbitration, hindi sila nag-aalala sa kanilang panunubok sa atin sa Benham Rise. Ang tanong – may basehan ba at dapat ba tayo magimbal sa mga naglalabasang balita sa Beijing na ang Pilipinas ay dating lalawigan ng China? Kung ako ang tatanungin, suportado ko ang mga tinig ng ilang eksperto at makabayan na ang SS ay hamon at hudyat upang manindigan! Magkaisa ng tinig ang buong bayan. Wika ng matalino at beteranong senador na si Juan Ponce Enrile nang tanungin noon ni PNoy tungkol sa WPS, “Wala tayong magagawa, Mr. President. Kailangan panindigan natin ‘yan. Huwag lang tayo ang magsimula ng gulo. Pero kung dapat may mamamatay, 200 o 2,000 sundalo, ganoon talaga.”