INIHAYAG ni Bacolod City Mayor Evelio Leonardia nitong Martes na maglalaan ng tulong pinansiyal ang pamahalaang lungsod sa mga barangay para sa implementasyon ng “no segregation, no collection” policy simula sa Abril 1.
“Every barangay will be given a budget for the solid waste management program, and the officials should use it properly,” saad ng alkalde, at tiniyak na hindi mababahiran ng pulitika ang pagsasagawa nito.
Hindi pa isinasapinal ang eksaktong halaga na ilalaan para sa proyekto.
Nakipagtalakayan kamakailan si Leonardia sa Solid Waste Management Core Group tungkol sa Information and Education Campaign bilang preparasyon para sa implementasyon.
Sinabi rin ng alkalde na hindi rin napanatili nang maayos ang sanitary landfill sa Barangay Felisa at naging open dumpsite ito.
Ibinahagi ng alkalde na nagpaplano ang pamahalaang panglungsod na bumili ng panibagong lupa para maging bagong sanitary landfill.
Sa karagdagan, pinaigting ng Department of Public Services ang information at education program tungkol sa wastong paghihiwa-hiwalay ng basura.
Inihayag ni Department of Public Services Head Nelson Sedillo na nagsasagawa sila ng mga seminar sa iba’t ibang barangay kasama ang mga kinatawan mula sa mga kumokolekta ng basura, at namahagi ng mga flyer at tarpaulin na may nakalagay na impormasyon tungkol sa tamang waste segregation.
“Only segregated garbage will be dumped in the landfill,” ani Sedillo.
Sa Section 10 ng Republic Act No. 9003, kilala rin bilang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”, nakasaad na pangunahing responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan ang implementasyon at pagpapatupad ng mga probisyon sa batas na ito sa kani-kanilang nasasakupan. (PNA)