NAMUMUKOD-TANGI sa larangan ng diplomasya, huwarang senador, guro, iskolar, manunulat at tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan. Ilan lamang iyan sa mga katangian ni Leticia Ramos-Shahani, nakababatang kapatid ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos. Si Manang Letty, tulad ng nakagawian naming itawag sa kanya, ay sumakabilang-buhay kamakailan sa edad na 87.
Lingid marahil sa nakararami, si Manang Letty ay nakilala rin sa larangan ng agrikultura, lalo na sa mga yamang-bukid na makatutulong nang malaki sa pagkakaroon ng sapat na pagkain para sa sambayanang Pilipino. Natitiyak ko na ito ang dahilan kung bakit pagkatapos ng kanyang mabungang paglilingkod sa bayan, paminsan-minsan niyang iniuukol ang kanyang panahon sa pag-aasikaso ng kanyang farm o bukirin sa Urdaneta, Pangasinan; nataniman ito ng sari-saring halaman.
Matindi ang pagkahumaling o passion ni Manang Letty sa mga punongkahoy na namumunga o fruit-bearing trees na tampok sa kanyang farm. Kabilang sa mga ito ang lansones, rambutan, mangosteen, pomelo at marami pang iba na ang ilan ay nanggagaling pa sa ibang bansa.
Sa bahaging ito naging magkahawig ang aming pagkahumaling sa mga namumungang punongkahoy. May pagkakataon na kami ay nagkikita sa Dizon exotic fruit trees sa Ninoy Aquino Park and Wildlife sa Quezon City upang bumili ng mga halaman na nais naming palakihin at paramihin. Pareho kaming nakikinig sa lecture ni Dr. Bernardo Dizon – ang tanging pomologist sa Pilipinas – tungkol sa wasto at makabuluhang pag-aalaga ng mga pananim. Bilang isang pomologist, si Dr. Dizon ay dalubhasa sa pagpapatubo, pagpapabunga at pagpaparami ng mga exotic trees sa pamamagitan ng makabagong mga teknolohiya.
May pagkakataon na si Dr. Dizon mismo ang nagtutungo sa farm ni Manang Letty upang personal na alamin ang kalagayan ng mga pananim na nagmula sa Park and Wildlife. Hindi ko na nabalitaan kay Manang Letty kung nagkaroon ng masaganang pamumunga ang mga fruit-trees na pareho naming pinili sa naturang nursery. Matagal kaming hindi nagkaroon ng komunikasyon.
Malimit din kaming magkita ni Manang Letty sa iba’t ibang okasyon. Palibhasa’y nakaagapay din sa panunungkulan ni FVR, nagkakasabay kami sa pagdalo sa mga official function bilang kinatawan ng Pangulo; angkop na angkop ang kanyang mga kakayahan at katangian sa pagganap ng mga tungkulin na hindi magampanan ng Pangulo dahil sa tambak nitong appointments.
Hindi ko malilimutan ang pagkahumaling ni Manang Letty sa agrikultura, lalo na nga sa pag-aalaga ng fruit-bearing trees. Katunayan, pinatindi niya ang pagkahilig o passion na ito sa pamamagitan ng paghahain sa Senado ng isang bill hinggil sa pagpapalaki ng high-value fruit-trees.
Isang taimtim na pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay, Manang Letty. (Celo Lagmay)