Sa gitna ng matinding sikat ng araw, nagliyab ang isang pagawaan ng kabaong sa Quezon City kahapon.
Mahigit P100,000 halaga ng ari-arian ang naabo nang lamunin ng apoy ang Everest Casket Manufacturing sa Sangandaan Compound, Barangay Talipapa, dakong 12:27 ng tanghali. Ito ay pagmamay-ari ng isang Jan Anne dela Cruz.
Ayon kay Quezon City fire marshall Senior Supt. Manuel Manuel, nagsimula ang apoy sa bodega ng pintura ng nasabing establisyemento.
At dahil ang silid ay puno ng kabaong na gawa sa kahoy at mga gamit na madaling masunog, mabilis aniyang kumalat ang apoy sa gusali at umakyat sa ikatlong alarma makalipas lamang ang 10 minuto.
Tuluyang naapula ang apoy dakong 1:20 ng hapon.
Sinabi ni Manuel na posibleng may nakaligtaang tanggalin sa saksakan na naging sanhi ng short circuit. Patuloy umano ang kanilang imbestigasyon sa insidente.
Walang nasaktan sa sunog, ayon pa kay Manuel. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)