SINABI ng mga kasapi ng Kongreso, sa pangunguna nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, na walang basehan ang reklamong impeachment na inihain laban kay Pangulong Duterte kaya inaasahan nang mabibigo ito.
Tiyak na mabibigo ito ngunit ito ay dahil ang impeachment ay nakabatay sa bilang. Mahahalaga ang mga usapin ngunit ang mga boboto rito ay hindi mga hukom na tumatalima sa mga panuntunan ng korte. Sila ay pawang pulitiko at kailangan lamang nilang sundin ang prosesong itinatakda ng Konstitusyon.
Nakasaad sa Article XI, ang Accountability of Public Officers sa Konstitusyon na “the President, the Vice President, the members of the Supreme Court, the members of the Constitutional Commissions, and the Ombudsman may be removed from office on impeachment for, and convicted of, culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust.”
May eksklusibong kapangyarihan ang Kamara de Representantes upang magsulong ng impeachment. Ang reklamo ay dapat na inihain o inendorso ng kasapi ng Kamara. Idudulog ito sa kinauukulang komite sa loob ng tatlong araw ng sesyon. Ang komite, sa pamamagitan ng boto ng mayorya, ang magsusumite ng report nito sa Kamara sa loob ng 60 araw ng sesyon, at itatala ito ng Kamara sa susunod na 10 araw ng sesyon. Kung maaaprubahan ng kahit sangkatlong bahagi ng Kamara, ididiretso na ang reklamo sa Senado para sa paglilitis. Kailangan ang two-thirds na boto ng Senado upang mahatulan ang nagkasala.
Dahil kaalyado ng administrasyon ang “super-majority” sa Kamara, ang reklamong inihain ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Duterte ay malabong makalusot sa komite. Idineklara na ni Speaker Alvarez na walang basehan ang mga akusasyon sa reklamo at dahil nasa ilalim niya ang liderato ng Mababang Kapulungan — gaya ng nangyari sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan — inaasahan nang kaagad na maibabasura ang reklamong impeachment.
Ito marahil ang dahilan kung bakit inihain ng kinatawan ng Magdalo ang nasabing reklamo makaraang magsimula ang bakasyon. Wala nang magagawa upang kaagad itong maibasura hanggang sa Mayo 2, kapag nagbalik ang sesyon ng Kongreso matapos ang bakasyon para sa Semana Santa. Kaya naman tinatalakay ito ngayon sa media, kasabay ang plano ng mga kongresista ng administrasyon na maghain ng reklamong impeachment laban kay Vice President Leni Robredo.
Ang reklamo laban kay Pangulong Duterte ay may kinalaman sa mga umano’y patayan kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa droga at sa sinasabing death squad sa Davao noong siya pa ang alkalde, at ang sinasabing katiwalian at kurapsiyon sa Davao City Hall. Walang matibay na ebidensiya sa lahat ng kasong ito, ayon kay Speaker Alvarez na sinegundahan naman ni Davao City Rep. Karlo Nograles.
Tungkol kay Vice President Robredo, nais ng mga kongresista ng administrasyon na patalsikin siya sa puwesto dahil sa pagsasalita laban sa “extrajudicial killings” at sa kampanya kontra droga sa isang video na ipinalabas sa forum ng United Nations. Ang hakbanging ito, maliban na lamang kung pipigilan ni Pangulong Duterte, ay maaaring maipursige sa kaparehong dahilan kung bakit mabibigo ang kasong impeachment laban sa presidente—sa bilang ng mga kaalyado.
Maaaring patuloy na itampok sa mga pahayagan ang dalawang kaso ng impeachment sa mga susunod pang linggo dahil hindi pa maaaring ibasura ang mga ito sa ngayon. Umaasa tayong mapapagod na lang ang mga sangkot sa pagpapaulit-ulit nila at isantabi na lang ang mga kasong ito bago tuluyang makaapekto ang mga ito sa katatagan ng bansa.