Plano ng isang transport group na magkasa ng ikatlong transport strike, ngunit sa pagkakataong ito, tatagal na ng tatlong araw ang protesta laban sa balak ng gobyerno na i-phase-out ang mga pampasaherong jeepney na mahigit 14 na taon na.

Inihayag kahapon ng Samahan ng mga Tsuper at Operators ng Pilipinas Genuine Organization (STOP and GO) ang plano nilang muling paralisahin ang transportasyon sa malaking bahagi ng bansa kasunod ng dalawang malawakang transport strike laban sa pinaplano ng pamahalaan para sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon.

“Ihahayag namin [kung kelan] isang araw bago ‘yung petsa pagkatapos naming makumpirma ang mga grupong sasama sa amin,” sabi ni Jun Magno, national president ng STOP and Go.

Ang panibagong tigil-pasada, ayon kay Magno, ay upang tuligsain ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa umano’y pagsasawalang-kibo sa panawagan ng mga apektadong jeepney driver at operator sa nabanggit na modernization program.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iginiit din ni Magno na hindi iniimbitahan ng LTFRB ang kanilang grupo para makipag-usap sa kabila ng ilang beses na silang nagsagawa ng tigil-pasada.

“Mga bulag at bingi sila sa aming ipinananawagan. Hindi nila kami naririnig,” ani Magno.

INSULTO

Binatikos din ni Magno ang mga opisyal ng pamahalaan dahil pinararangalan pa ang mga grupong hindi nakiisa sa tigil-pasada, kaya naman hindi na ganoon kalaki ang epekto ng ikalawang transport strike.

“Sa halip na makipagdayalogo sa amin, pinarangalan pa nila ang mga grupong sumusuporta sa (modernization) program dahil sa pagtulong daw sa kanila. Nainsulto kami sa nangyari,” sabi pa ni Magno.

Sa kabila nila, sinabi ng LTFRB na plano nitong magsagawa ng mga legal na hakbangin laban sa grupo ni Magno dahil sa paglulunsad ng mga tigil-pasada.

“Our lawyer is finalizing the complaint against Jun Magno to be filed in the regular court,” sabi ni LTFRB Board Member at Spokesperson Aileen Lizada.

HANDA SA DAYALOGO

Samantala, nanawagan naman kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa STOP and GO na huwag nang ituloy ang pinaplanong tatlong-araw na tigil-pasada sa Metro Manila at sa mga karatig-probinsiya.

Aminado si MMDA General Manager Tim Orbos na malaki ang magiging epekto ng strike sa mga motorista at pasahero, bagamat handa ang pamahalaan na ayudahan ang mga ito sa pagkakaloob ng libreng sakay.

Nag-alok ang MMDA ng dayalogo sa grupo para ayusin ang anumang problema at handa rin ang ahensiya na makinig sa mga nais iparating na karaingan ng STOP and GO. (VANNE ELAINE TERRAZOLA at BELLA GAMOTEA)