Basil copy copy

IPAGDIRIWANG ni Basil Valdez ang kanyang ika-40 anibersaryo sa special one-night only show na pinamagatang Basil Valdez @ Solaire sa Abril 29, Sabado, 8:00 PM, sa The Theatre at Solaire.

Mapapanood ng mga tagahanga ang legendary balladeer kasama ang kanyang mga espesyal na mga panauhin na kinabibilangan ni Sharon Cuneta, ng Ateneo Chamber Singers, at ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra sa ilalim ng musical direction ni Ryan Cayabyab.

Gumawa ng ilang cover versions ang Megastar ng classics ni Basil, isa na marahil dito ang Ngayon At Kailanman na naging pamagat at theme song ng kanyang blockbuster movie kasama si Richard Gomez noong dekada 90. Sina Basil at Ryan naman ay napakahaba na ng pinagsamahan. Nang maging member si Basil ng Circus Band noong 1972, nakilala niya si Ryan na kasama naman noon ng isa ring banda. Habang ginagawa ni Basil ang kanyang first solo album na Ngayon at Kailanman, nagpasulat siya sa papasikat pa lamang na si Ryan ng ilang awitin. Simula noon, si Ryan na ang naging musical director ni Basil sa halos lahat ng kanyang major concerts hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bansa.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Nilikha naman ang 42-piece ABS-CBN Philharmonic Orchestra upang ipakilala ang symphonic music sa buhay ng bawat Pilipino. Binuo naman ang Ateneo Chamber Singers noong 2001, at umaani na ng paghanga sa buong daigdig dahil sa kanilang napakahusay na sagradong choral music.

Tama lang na magsama-sama sila para sa pagmamahal kay Basil, ang isa sa enduring na balladeers ng bansa. Halos kakambal na si Basil ng OPM dahil sa kanyang classics na gaya ng Hanggang sa Dulo ng Walang Hanggan, Iduyan Mo, Hindi Kita Malilimutan, Kahit Ikaw’y Panaginip Lang, Let The Pain Remain, You, at maraming iba pa.

Sa panahon na napakahirap para sa isang musical idol na manatili sa industriya, patunay si Basil na purong talento, pagmamahal sa trabaho, at professionalism ang tunay na mga sangkap ng tumatagal na mag-aawit sa industriya.

Babalikan ng Basil Valdez @ Solaire ang 40 taon ng kamangha-manghang musika ni Basil, mula sa NY Entourage Productions at suportado ng Philippine Airlines, Richville Hotel, at Petron. Available ang mga tiket sa Ticketworld (www.ticketworld.com.ph). Para sa karagdagang impormasyon sundan ang NY Entourage Productions sa Twitter at Instagram (@nsyshows) at i-like ang nsyshows sa Facebook.