ISULAN, Sultan Kudarat – Nagkasa ng pursuit operations ang militar kahapon laban sa New People’s Army (NPA) na umano’y nag-ambush sa grupo ng Marine soldiers sa Sitio Upper Tinagdanan, Barangay Hinalaan sa Kalamansig, Sultan Kudarat, na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng walong iba pa nitong Lunes ng umaga.
Sinabi ni Sultan Kudarat Police Provincial Office director Senior Supt. Raul Supiter, na dakong 10:40 ng umaga at naglalakad pauwi ang mga tauhan ng 2nd Marine Battalion Landing Team makaraang magsagawa ng community outreach program sa Bgy. Hinalaan nang tambangan sila ng nasa 20 rebelde.
Kinilala ang nasawi na si Private Albino Bahian, habang sugatan naman sina Staff Sgt. Alexander Falcasantos, Corporal Joseph Accad, Corporal Castle Camu, Corporal Rodert Paul de Asis, Corporal Marlon Ampao, Private 1st Class Kenneth Jay Calaycay, Private 1st Class Glenn Genove at Private Jarid Sugaguil. (Leo Diaz at Joseph Jubelag)