SA kabila ng pagpapabuti ng administrasyon sa pamamasukan o employment system, tila nalilimutan nitong pansinin ang paglago ng bilang ng Pilipinong walang hanapbuhay. Nagdudumilat ang survey ng Social Weather Stations (SWS): “Jobless Pinoys up by 3 million.” Natitiyak ko na ang naturang bilang ay karagdagan ng mga walang mapasukan simula pa noong nakaraang pamunuan; mga kababayan natin na hanggang ngayon ay nagbibilang pa ng electric post, wika nga, sa pagbabakasakaling makatisod ng mapagkakakitaan.
Bukod pa rito ang libu-libong estudyante na magtatapos ngayong taon na nasisiguro kong pipila rin sa paghahanap ng trabaho. Totoo na marami sa kanila ang naglilingkod na sa iba’t ibang tanggapang pribado at pambayan, subalit natitiyak ko rin na higit na nakararami sa kanila ang maituturing na unemployed Pinoys; hindi maaaring ipagwalang-bahala ng pamahalaan ang marapat na pagsaklolo sa kanilang kalagayan.
Totoo na walang puknat ang pagsisikap ng administrasyon sa paglutas ng masasalimuot na problema sa mga patakaran sa pamamasukan sa ating bansa. Sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DoLE), giniba nito ang kontraktuwalisasyon na mistulang sandata ng mga employer sa pagsasamantala sa mga manggagawa. Ang paglipol sa kasumpa-sumpang sistema – na lalong kilala sa taguring “endo” – ay matagal nang iniutos ni Pangulong Duterte sa kanyang hangaring maituawid ang baluktot na mga sistema sa paggawa. May mga pag-aalinlangan pa at sinasabing malabnaw ang implementasyon ng pinagtibay na labor system.
Gayunman, maliwanag na ang paglutas sa problema sa contractualization ay sinasabing makabubuti lamang sa relasyon ng mga employer o nagpapatrabaho at ng labor force o manggagawa na matagal nang namamasukan. Ibig sabihin, hindi sinasakop nito ang tinukoy nating libu-libong walang hanapbuhay; ang problema nila ay paghahanap pa ng... mapapasukan.
Ito ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno. Paulit-ulit na nating ipinahihiwatig ang pagpapatayo ng mga proyektong mapagkakakitaan o job-generating project sa iba’t ibang larangan ng industriya at agrikultura.
Ang bilyun-bilyong pisong pondo ng conditional cash transfer (CCT), halimbawa, ay mapagkukunan ng pondo para sa naturang mga proyekto. Bukod pa rito ang iba pang alokasyon mula sa nalilikom na buwis na malimit ipangalandakan ng administrasyon.
Totoo na ang administrasyon ay may nakalaang sapat na pondo para sa pagtulong sa mahihirap na walang trabaho.
Kabilang sila sa tinaguriang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) na pinagkakalooban ng buwanang P600 rice subsidy. Higit na mabuting sila ay mapaglaanan ng trabaho kaysa maging instrumento ng pagsusulong ng kultura ng pamamalimos o mendicancy.
Ang paglutas sa problema sa kawalan ng trabaho ay makapagpapatighaw sa karukhaan; na makatutulong naman sa pagkagumon sa illegal drugs at kriminalidad. (Celo Lagmay)