Magbaon ng maraming pasensiya.
Ito ang payo ng Las Piñas City Police sa mga motorista nang mauwi sa pamamalo ng baseball bat ang isang simpleng away-trapiko sa Las Piñas City, nitong Lunes.
Sa pahayag sa awtoridad ni Melchor Llamoso, traffic enforcer, dakong 4:30 ng hapon nangyari ang insidente sa Alabang-Zapote Road ng nasabing lungsod.
Bumaba mula sa isang Mitsubishi Mirage ang isang Maria Medrano upang kumprontahin si Benjamin Reynante na siyang driver ng nakagitgitang Mitsubishi Montero.
Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Maria at Benjamin hanggang sa bumaba sa sasakyan si Alberto, mister ni Maria, na armado ng baseball bat at tinangkang paluin si Reynante na mabilis na inawat ni Llamoso.
Subalit muli umanong bumuwelo si Alberto at hinampas ng dalawang beses sa braso at likod si Benjamin.
Naawat lang ang suspek nang dumating ang mga pulis sa lugar.
Desidido umano si Benjamin na maghain ng kaukulang reklamo sa pananakit ng suspek.
Sa pulisya, ikinatwiran ni Maria na sinenyasan umano siya nang masama ni Benjamin at kinunan pa litrato nang sila’y magkagitgitan. (Bella Gamotea)