UWIAN na, may nanalo na!
Ito ang biru-biruan sa ilang informal survey sa Facebook kung sino ang pinakagusto ng publiko na gumanap bilang Darna ngayong hindi na matutuloy si Angel Locsin.
Karamihan kasi ay si Liza Soberano ang isinasagot. Para sa amin din at maging sa mga kaibigan namin, si Liza rin ang pinakabagay na maging Darna.
Bukod kay Liza, lumilitaw din sa mga survey ang pangalan nina Bea Alonzo, Yassi Pressman, Sarah Geronimo, Pia Wurtzbach, Ellen Adarna (dahil katunog na raw ang apelyido, sabi ni Katotong Mercy Lejarde), Nadine Lustre, Kathryn Bernardo, Arci Muñoz, at Ritz Azul.
Usap-usapan din na ngayong hindi matutuloy si Angel sa much-awaited movie ng Star Cinema, puwede na raw kayang gumawa ng pelikula ang aktres sa Regal Entertainment?
Matagal nang gustong kunin ng Regal si Angel at willing silang mag-co-prod sa Star Cinema tulad ng ginawa nila ngayon sa Northern Lights: A Journey to Love, ‘kaso raw baka hindi ipahiram ang aktres kasi gagawin nito ang Darna.
Samantala, nabanggit ng isang source namin sa ABS-CBN na may mga napipisil na ang Star Cinema executives kung sino ang posibleng maging Darna pero kailangan pa nilang alamin kung makakaya nito ang matitinding training dahil hindi biro ang mahabang oras na nakasabit sa harness. (Reggee Bonoan)