Sumuko kahapon sa tanggapan ng Police Regional Office (PRO)-7 ang road rage suspect na si David Lim, Jr., pamangkin ng kontrobersiyal na negosyanteng si Peter Lim, halos 48 oras makaraang barilin ang lalaking nurse na nakaalitan niya sa trapiko sa Cebu City.
Si David Jr. ay anak ni David Lim, Sr., kilalang car racer na kamakailan lang ay nakaaksidente ng isang motorcycle rider. Nasawi ang huli.
Batay sa report ni PRO-7 Director Senior Supt. Noli Taliño, dakong 2:00 ng umaga nang sumuko si David Jr. kasama ang ina nitong si Bebong Lim, dalawang kamag-anak at abogadong si Orlando Salatandre, Jr.
Sinabi ni Taliño na pansamantalang mananatili ang suspek sa kanyang kustodiya habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso laban dito.
Ayon kay Taliño na si Presidential Special Assistant Bong Go ang nagpaalam sa kanya nitong Lunes ng gabi sa planong pagsuko ni David Jr., na una nang isinailalim ng Bureau of Immigration sa lookout bulletin order.
Nag-viral ang video na kuha ng dashcam sa aktuwal na pamamaril ni David Jr. sa 33-anyos na nurse na si Ephraim Nuñal nitong Linggo ng gabi.
Iginiit naman ni Atty. Salatandre na ipinagtanggol lamang ng suspek ang sarili nito, at plano ng kanilang kampo na magsampa ng kontra asunto.
Kinuwestiyon din ng abogado ang viral video, sinabing edited ito at iginiit na hindi nakuhanan ang buong insidente.
Samantala, sinabi ni SPO1 Wilson Ybañez, may hawak ng kaso, na desidido ang pamilya ni Nuñal na kasuhan ang suspek, na posibleng kabibilangan ng frustrated homicide at possession of loose firearms. (FER TABOY at MARS MOSQUEDA, JR)