Isang tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ng isang lalaki na binaril sa tabi ng kanyang live-in partner at kanilang anak sa Quezon City, nitong Lunes ng umaga.
Nakahiga si Riopoldo Evarley sa pagitan ng kanyang misis at dalawang taong gulang nilang anak sa loob ng kanilang barung-barong sa kahabaan ng Luzon Avenue, Barangay Culiat.
Dakong 5:00 ng madaling araw nagising si Mamitas Moloboco, misis ni Riopoldo, na naghihingalo na ang biktima. Ayon sa kanya, ginising siya ni Riopoldo. Nang paglingon niya, duguan na ang biktima, humihingi ito ng saklolo.
Bago pa man makahingi ng tulong si Mamitas, hindi na maayos ang lagay ni Riopoldo at tuluyang nalagutan, ayon kay Mamitas.
Sinabi ni Senior Insp. Elmer Monsalve, hepe ng homicide section ng Quezon City Police District, nakita ng isang electrician, na nagbubukas ng kanyang shop noong mga oras na iyon, ang dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng helmet ang lumabas mula sa bahay ng biktima bago sumakay sa tricycle. Nakita umano nito ang pagtakas ng dalawa.
Kaugnay nito, inamin ni Mamitas na gumagamit ng ilegal na droga ang biktima at hindi pa kailanman sumuko sa awtoridad. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)