SA hangaring pagaanin ang nakapanggagalaiting pagsisikip ng trapiko sa mga lansangan, dalawang ahensiya ng gobyerno ang mistulang sumaklolo sa Metro Manila Development Authority (MMDA) upang ito ay makahinga-hinga naman sa matinding pagtuligsa ng mamamayan. Hanggang ngayon ay hindi pa ganap na naiibsan ang usad-pagong na trapiko na gumigiyagis sa mga motorista hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga karatig na bayan at lalawigan.
Sa pagkakataong ito, nais naman ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na bumuo ng multimodel express na babagtas sa Pasig River at sa Laguna de Bay. Nangangahulugan na ang naturang mga ilog ay magiging daanan ng mga sasakyang pantubig o water and light rail transportation para sa kaluwagan ng mahigit na 15 milyong pasahero sa Metro Manila at sa mga kanugnog na lugar. Mula sa tila wala nang kalutasang traffic problem sa mga lansangan, plano ng PRRC at LLDA na paluwagin naman ang trapiko sa naturang malalawak na daluyan ng tubig.
Bukod sa hangaring mapaluwag ang trapiko sa mga lansangan, nais din marahil ng nabanggit na mga ahensiya na mapanatiling malinis ang tubig sa mga ilog upang maging kasiya-siya sa pagbibiyahe, paglilibang at sa pagsusulong ng turismo. Subalit, mawalang-galang na sa nasabing mga tanggapan, hindi ko matiyak kung paano maipatutupad ang mga plano.
Marami nang pagtatangka na gawing ‘viable means of transport’ ang Pasig River. Mismong MMDA ang nagsulong ng programa upang gawing alternate route ang naturang ilog sa pamamagitan ng malalaking motorized banca para sa mga pasahero.
Hindi ito nagtagumpay. Isa pa, ang nasabing ilog ay dinadaluyan ng maruming tubig na nagmumula sa basura ng mga dambuhalang pabrika sa naturang lugar; may pagkakataon na iyon ay nagmimistulang septic tank dahil sa kawalan ng water treatment facilities. Ang ganitong kapaligiran ay hindi malayong maging dahilan ng paglaganap ng mga sakit.
Isang matinding balakid sa plano ng nasabing mga ahensiya ang... hayagang pagtutol ng mga may-ari ng fishpens upang buwagin ang kanilang mga baklad sa Laguna de Bay. Sa kabila ng pagbabanta ng LLDA na ito ang gigiba sa naturang mga fishpens, tandisang ipinahiwatig ng mga may ari: “There is no operator in his right mind who would spend money for self-demolition.” Umaabot sa 300 korporasyon, makapangyarihang pulitiko, mga opisyal ng militar at local officials ang nagmamay-ari ng mga fishpen. Lumilitaw na pati ang panawagan ni Pangulong Duterte upang lansagin ang naturang mga baklad ay ipinagwalang-bahala ng mapagsamantalang mga negosyante.
Kung hindi ganap na malilinis ang Pasig River at mabubuwag ang mga fishpen sa Laguna de Bay para sa mapagkakatiwalaang water transportation, mananatiling panaginip ang plano ng PRRC at LLDA upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila. (Celo Lagmay)