NILINAW ng administrasyon na hanggang hindi naibibigay ang special powers na hinihingi nito sa Kongreso ay mananatiling hindi nareresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila, partikular na sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
Kasabay nito, tiniyak ni Department of Transportation (DoTr) Secretary Arthur Tugade na habang naghihintay, gagawin ng kagawaran ang lahat upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko kahit papaano. Totoong may mga panahong maayos ang lagay ng trapiko kumpara sa ibang araw, ngunit kailangan pa ring may gawing solusyon. At marapat na seryosong ikonsidera ng mga kinauukulang opisyal ang ilan sa mga mungkahi ng maraming tao.
Nagbigay kamakailan ng tatlong mungkahi si Buhay Party-list Representative at House Deputy Minority Leader Lito Atienza, dating alkalde ng Maynila na ilang taon ding namroblema sa trapiko sa siyudad sa panahon ng kanyang pamumuno.
Una, sinabi niyang santambak ang mga sasakyan sa EDSA dahil sa maraming kolorum at biyaheng-lalawigan na bus na dumadaan doon. Inookupa ng mga hindi awtorisadong sasakyan na ito ang mga lane na nakalaan sa ibang sasakyan.
Tuwina’y naghilera ang mga nasabing bus, karamihan ay iilan lang ang pasahero, sa EDSA partikular na sa Cubao sa Quezon City, isa pang lagi nang nagsisikip ang trapiko.
Ikalawa, mayroong plano upang ilipat ang trapiko sa EDSA sa mga loobang kalsada, ngunit karamihan sa mga lansangang ito ay nahaharangan ng mga sasakyang ilegal na nakaparada, kabilang na ang mga hindi na ginagamit o tuluyan nang inabandona. Napakaraming may-ari ng sasakyan sa Metro Manila ang walang sariling garahe sa kanilang tirahan, kaya naman sa kalye na lamang nila iginagarahe ang kanilang mga sasakyan.
Ikatlo, maraming traffic enforcer ang hindi nagsasagawa ng pagdakip. Maliban na lang, ayon kay Atienza, sa ilang siyudad gaya ng San Juan, Mandaluyong at Makati, kung saan talagang ginagawa ng mga traffic enforcer ang kanilang tungkulin, gumabi man at umulan.
Ang mga problemang ito ay nangangailangan ng mas istriktong pagpapatupad sa mga umiiral nang batas, mga panuntunan at regulasyon. Aniya, hindi na kakailanganin pa ang tinatawag na “congestion fee” na pinag-iisipan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad sa mga motorista na dumadaan sa EDSA tuwing rush hour.
Patuloy nating inaantabayanan ang special powers na hiniling ni Transportation Secretary Tugade na ipatupad ng Kongreso, na kakailanganin upang lumikha ng komprehensibong programa sa pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma sa sistemang binuo upang maibsan ang problema sa trapiko hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa Cebu at sa iba pang mauunlad na lugar sa bansa, na napakabilis nang kumakapal ang populasyon.
Ngunit sa kasalukuyan, dapat nating gawin an gating makakaya sa sitwasyong mayroon tayo sa ngayon. Maaaring magsimula ang MMDA at DoTr sa mga obserbasyon at mungkahi ng dating alkalde ng Maynila at ngayon ay si Congressman Atienza.