Pormal nang ipinatutupad ang moratorium ng Department of Education (DepEd) laban sa pagsasagawa ng field trip at iba pang kahalintulad na aktibidad sa mga pampublikong elementarya at high school sa bansa hanggang Hunyo.
Inilabas ng DepEd ang Memorandum No. 47, Series of 2017 para gawing pormal ang pagpapatupad sa ipinahayag na moratorium kasunod ng aksidente sa Tanay, Rizal na ikinamatay ng 14 na estudyante sa kolehiyo habang nasa field trip.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, ipatutupad ang memorandum sa lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at high school, habang hindi pa naisasapinal ang pagrerebisa sa mga polisiya hinggil sa field trip.
“As the primary institution mandated to ensure access to quality basic education, it is imperative for the Department to look after the security and safety of learners in its education-related activities,” anang kalihim.
Hinikayat ni Briones ang lahat ng pribadong paaralan na sumunod din sa mga probisyon ng memorandum kung kinakailangan.
Nilinaw ng DepEd na kung nakakuha na ng permiso ang paaralan para sa educational field trip bago pa nailabas ang memo ay maaari pa ring ituloy ang aktibidad, ngunit dapat tiyakin ng mga organizer na masusunod ang istriktong guidelines, partikular tungkol sa kaligtasan at seguridad.
Idiniin ng DepEd na hindi mandatory ang field trip at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpataw ng punitive activities sa mga estudyanteng hindi makakasama rito. (MARY ANN SANTIAGO)