Myanmar Philippines_Luga copy

NAYPYITAW, Myanmar (AP) — Ang pulitika sa rehiyon ay lumilikha ng kakaibang pareha at sa isang tingin ay mahirap isiping ang kakatwang pares ng maligalig na si Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas at ng kanyang malumanay na katapat sa Myanmar na si State Counsellor Aung San Suu Kyi, sa kanilang pagkikita nitong Lunes sa Naypyitaw.

Pagdating niya sa Myanmar noong Linggo, kaagad na binira ni Duterte ang European Union na binabatikos ang kanyang giyera kontra droga, iginiit na marami pa ang mamamatay.

“I said I will not stop,” deklara niya. “I will continue until the last drug lord in the Philippines is killed and the pushers out of the streets.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Si Suu Kyi ay walang oras sa kanyang mga kritiko, ngunit ang kanyang malutong na Oxford-accented speech ay tulad ng punyal sa mga patutsada ng kanyang bisita. Kung ang tigasing lider ng Pilipinas ay masayang tinututukan ng press, hindi naman itinatago ng lider ng Myanmar ang kanyang pagkasuya sa media. Siya ang yelo sa apoy ni Duterte.

Naging makabuluhan ang pagkikita ng dalawang lider dakong 3:00 ng hapon sa Presidential Palace. Inabutan ni Pangulong Duterte ng bouquet of roses ang democracy icon ng Myanmar.

Pangunahing layunin ng pagbisita ni Duterte sa Myanmar ay kumpletuhin ang pagbisita sa siyam na kapwa miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na pinamumunuan ng Pilipinas ngayong taon.

Laman ng kanilang pagkikita ang karaniwang pag-uusap sa mga panukalang kalakalan at pamumuhunan. Gayunman nagkaroon ito ng pisikal na resulta nang mangako si Duterte ng $300,000 humanitarian aid para sa Rakhine state ng Myanmar, kung saan mahigit 100,000 katao na ang itinaboy ng kaguluhan, karamihan ay mga Muslim.

Nakipulong din si Pangulong Duterte kay Senior General Min Aung Hlaing sa Horizon Lake View Hotel at dumalo sa Official Dinner sa Presidential Palace.

Kinagabihan ng Lunes ay tumulak na ang delegasyon ng Pangulo sa Bangkok, Thailand para rin sa official visit. (May ulat ni Beth Camia)