ANG kukulit ng fans ng KenBie, love team nina Ken Chan at Barbie Forteza, kapag gustong makakuha ng latest updates sa mga idolong sinusubaybayan nila sa Meant To Be.
Kaya nang dumalaw kami sa set, tinanong namin si Ken kung wala ba siyang balak ligawan si Barbie, since pareho naman silang loveless ngayon ng leading lady niya o nila nina Jak Roberto, Ivan Dorschner at Addy Raj?
“Minsan nga po ay biniro ko siya kung p’wede ko siyang ligawan,” kuwento ni Ken. “Naku, tinawanan lang po ako nang tinawanan. Pero kung talaga pong magsiseryoso ako, si Barang ang babaeng hindi mahirap mahalin, she is also a perfect leading lady.
“Minsan, sinabi niya sa akin na happy pill niya ako dahil lagi ko siyang pinatatawa, ganoon din siya sa akin, happy pill ko rin siya. Siya iyong artistang walang karekla-reklamo sa katawan. Lagi siyang nakatawa, kahit alam na naming napapagod na siya, hindi mo siya mariringgan na nagrereklamo, ang bait-bait pa niya. Kaya kami naman in turn, ginagawa rin naming madali sa kanya ang mga eksena namin. Kung magiging girlfriend ko siya, hindi ko na siya pakakawalan.”
Pero tulad ni Barbie, wala pa sa isip ni Ken ang pagkakaroon ng karelasyon, dahil mas gusto muna niyang asikasuhin ang kanyang pamilya na siya ang breadwinner. Bilang eldest of three, at maysakit ang kanilang ama nagkaroon ng kidney transplant eleven years ago.
“Kaya hindi ko talaga makakalimutan si Kuya Germs (German Moreno) dahil naturuan niya ako kung paano ako mag-ipon para sa aking pamilya. Lahat po ng kinikita ko sa nasa parents ko. Every week nagmi-meeting kami kung magkano ang kinita ko at kung magkano ang nagastos namin. May allowance lang ako na ibinibigay nila at naka-record lahat iyon.
Kaya thankful ako sa GMA dahil hindi ako nawawalan ng trabaho. Bukod dito sa Meant To Be, may Day-off pa kami ni Janine Gutierrez sa GMA News TV na napapanood every Saturday.” (Nora Calderon)