Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na nakumpiskahan ng baril at mga bala sa ikinasang Oplan Sita sa Taguig City, nitong Linggo ng gabi.
Nahaharangan ngayon ng rehas sa Taguig City Police si Anacito Muralla y Francisco, alyas “Butcho” at “Joker”, 36, ng No. 22 Banana Street, Purok 3, New Lower Bicutan ng nasabing lungsod.
Sa report ni Police Supt. Jenny Tecson ng Southern Police District (SPD), bandang 7:00 ng gabi ikinasa ng mga tauhan ng Police Community Precinct 2-Taguig City Police ang Oplan Sita sa Mulawin St., Purok 5, Lower Bicutan, Taguig City.
Dahil sa kahina-hinalang kilo, agad sinita at kinapkapan nina PO1 Rodel Piga at PO1 Macario Esteban ang suspek at dito narekober ang isang kalibre .38 S&W revolver na may tatlong bala.
Bigo si Muralla na magpakita ng kaukulang papeles para sa paghawak ng nasabing baril na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto. (Bella Gamotea)