alab copy

DAVAO CITY – Tinuldukan ng Alab Pilipinas ang three-game losing skid nitong Linggo sa impresibong 82-75 panalo kontra sa nangungunang Hong Kong Eastern Long Lions sa Asean Basketball League (ABL) sa USEP gym dito.

Ratsada si Sampson Carter sa nahugot na 20 puntos, habang humirit si Robby Celiz ng 17 puntos para maiganti ng Alab ang dalawang kabiguang natamo sa Hong Kong ngayong season at makopo ang No.3 spot sa playoff.

Tangan ang 10-9 karta, makakaharap ng Alab ang Singapore Slingers sa semifinal match-up.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Pinangunahan ni Celiz na kumubra ng 13 puntos ang ratsada ng Alab sa second period kung saan nahigitan nila ang Long Lions, 44-32.

Naging dikdikan ang laban sa final period kung saan naagaw ng Hong Kong ang 71-70 bentahe, ngunit nagpakatatag si Carter at solid ang suporta ng kapwa import na si James Hughes, Celiz, at Paolo Hubalde para sa krusyal na 12-4 run.

Nag-ambag si Hughes ng 17 puntos, 14 rebound at tatlong block, habang kumana ng walong puntos si Bobby Ray Parks, Jr.

Nanguna si Marcus Elliott sa Hong Kong sa naiskor na 22 puntos.

Iskor:

Alab Pilipinas (82) - Carter 20, Celiz 17, Hughes 17, Parks 8, Acuna 6, Cawaling 4, Hubalde 3, Fortuna 3, Domingo 2, Mendoza 2.

Hong Kong Eastern (75) - Elliot 22, Lamb 19, Lee 12, Chan 8, Fong 6, Guinchard 6, Wu 2, Lau 0, Tang 0.

Quarterscores:

23-25, 38-43, 55-54, 82-75.