Cebu City Mayor Tomas Osmena held a press conference in Cebu Cit

CEBU CITY – Personal na pinangangasiwaan ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña ang malawakang pagtugis ng mga awtoridad laban sa pamangkin ng negosyanteng si Peter Lim na pangunahing suspek sa pamamaril dahil sa alitan sa trapiko nitong weekend.

Idinadaan ni Osmeña sa Facebook ang pagpapabatid niya sa mga Cebuano ng mga update sa paghahanap kay David Lim, Jr., ang pangunahing suspek sa pamamaril sa 33-anyos na nurse na si Ephraim Montalbo Nuñal.

Nagtamo si Nuñal ng mga tama ng bala sa magkabilang binti matapos siyang pagbabarilin ni Lim nang magkaalitan sila sa lansangan nitong Linggo ng madaling araw.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Nakuhanan ng dashboard camera ng isa pang hindi kinilalang motorista ang buong insidente.

Sinabi ni Osmeña na humiling na siya ng warrant of arrest laban kay Lim, ngunit tumanggi ang hukom na bigyan ng warrant ang alkalde.

“I have ordered SWAT to execute the raid on David Lim's house. I accept all legal responsibility,” ani Osmeña.

Kasama ang pawang armadong tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng pulisya, sinalakay ni Osmeña ang bahay ni Lim, ngunit wala roon ang suspek. Sa halip, hinarap ang alkalde ng ama ng suspek na si David Lim, Sr., na nasangkot din sa isang aksidente sa sasakyan na ikinasawi ng isang tindero ng isda ilang linggo pa lang ang nakalilipas.

Hiningi na rin ni Osmeña ang tulong ni Pangulong Duterte, sa pamamagitan ni Presidential Assistant Bong Go, sa pamamagitan ng text message pagkatapos ng raid.

Bilang tugon, sinabi ni Go na kaagad nang naisailalim ang suspek sa watch list ng Bureau of Immigration (BI), bagamat sinabi ng mga source na posibleng nakalabas na ito ng bansa.

Kinumpirma naman ni Red Marinas, hepe ng Ports Operation ng BI, na nasa look out bulletin na ng kawanihan ang suspek.

Hinimok ni Cebu City Police Office director Senior Supt. Joel Doria ang suspek na sumuko na lang sa awtoridad at huwag nang tangkaing manlaban sakaling arestuhin, dahil hindi, aniya, magdadalawang-isip ang mga pulis na barilin ito.

Batay sa imbestigasyon, binabagtas ni Nuñal ang F. Sotto Street kasama ang isang kaibigan sakay sa Toyota Altis nang tumigil sa gitna ng kalsada ang Mercedez Benz (UWI-731) kaya naman binusinahan niya ito.

Kaagad namang lumabas sa Benz ang driver, tinadyakan ang Altis, at tinangka pa umanong sapakin si Nuñal nang lumabas ito mula sa kotse, subalit masuwerteng nakailag.

Dito na galit na bumalik ang suspek sa kanyang sasakyan, kumuha ng baril at pinagbabaril ang magkabilang binti ng biktima. (May ulat ni Bella Gamotea) (MARS W. MOSQUEDA, JR.)