Kinumpirma kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald Dela Rosa na natanggap at naipatupad na ng pulisya ang warrant of arrest laban kay dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 director Supt. Marvin Marcos at sa 19 nitong tauhan na isinasangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Dela Rosa, Biyernes nang ilabas ang arrest warrant mula sa Baybay, Leyte Regional Trial Court (RTC) sa kasong murder laban kay Marcos at sa mga tauhan nito.
Kinumpirma rin ni Dela Rosa na nasa kustodiya na ng CIDG-Region 8 ang grupo ni Marcos makaraang kusang sumuko ang mga ito.
“Accounted for na ang mga suspek, sa pangunguna na Marcos, at kasalukuyang nakapiit sa CIDG-8,” sabi ni Espinosa.
Nobyembre 5 ng nakaraang taon nang pangunahan ng grupo ni Marcos ang pagsisilbi ng search warrant sa selda ng alkalde sa Baybay District Jail, ngunit nanlaban umano at napatay si Espinosa.
Napatay din sa nasabing operasyon ang isa pang bilanggo na si Raul Yap.
‘PINATAHIMIK’
Sumuko kay Dela Rosa makaraang mapasama sa “narco-list” ni Pangulong Rodrigo Duterte at nakulong dahil sa pag-iingat ng droga at mga hindi lisensiyadong baril, marami ang hindi nagduda sa operasyon ng CIDG laban kay Espinosa, sa paniwalang pinatahimik lamang ito dahil magbabanggit ng mga opisyal ng lokal na pulisya na kumukubra ng drug money.
Nag-imbestiga pa ang Senado sa insidente, na kalaunan ay nauwi sa konklusyon na pinplano ang pagpatay kay Espinosa.
Una nang sinibak ng PNP si Marcos at ang 23 iba pang pulis na sangkot sa operasyon, kabilang ang mula sa Maritime Group.
2 ARREST WARRANT
Dalawang arrest warrant ang ipinalabas ni Judge Carlos Arguelles para sa parehong kaso ng murder, ang isa ay kay Espinosa at ang isa ay kay Yap.
Bukod kay Marcos, nasa arrest warrant din sa pagkamatay ni Espinosa ang noon ay deputy ni Marcos na si Supt. Santi Noel Matira; sina Chief Insp. Leo Laraga, team leader na bumaril kay Espinosa; Chief Insp. Calixto Canillas, Jr., hepe ng Maritime Group-Region 8; Insp. Lucrecito Candilosas; SPO4 Melvin Cayobit SPO2 Benjamin Dacallos; SPO2 Antonio Docil; SPO1 Mark Christian Cadilo; PO3 Johnny Ibañez; PO3 Norman Abellanosa; PO2 Jhon Ruel Doculan; PO2 Jaime Bacsal; at PO1 Jerlan Cabiyaan.
Sabit din sa pagpatay kay Yap sina Marcos, Canillas, Candilosas, Dacallos, Docil, Cadilo, Abellanosa, Doculan at Bacsal, gayundin sina Senior Insp. Deogracias Diaz, Senior Insp. Fritz Blanco, SPO4 Juanito Duarte, PO1 Lloyd Ortigueza, at PO1 Bhernard Orpilla.
Sinabi ni Dela Rosa na inatasan niya ang PNP-Internal Affairs Service na magsumite hanggang sa Marso 31 ng rekomendasyon sa mga kasong administratibo na isasampa laban sa grupo ni Marcos.