Tumapos na pang-13 ang Philippine Junior Davis Cup team sa idinaos na Asia/Oceania Zone Final Qualifying na nagtapos kahapon sa India.

Ang Under-16 squad na binubuo nina Arthur Craig Pantino ng Cebu, Marcus del Rosario ng Parañaque at Janus Al Najeeb Ringia ng Sultan Kudarat ay nagwagi laban sa Kazakhstan, 2-1,sa kanilang best-of-three tie sa R.K. Khanna Tennis Complex sa New Delhi.

Nakauna pa ang Kazakhstan matapos manaig ni Rostislav Galfinger laban kay Del Rosario, 6-2, 4-6, 6-0, sa first singles ngunit agad ding naitabla ni Pantino ang laro nang talunin nito si Shokhrukh, 6-0, 6-1, sa second singles.

Pormal na naipanalo ng mga Pinoy ang huling laro sa pamamagitan ng tambalan nina Pantino at Ringia na namayani laban sa tambalan nina Galfinger at Bekzat Ussipbekov, 7-5, 7-6 (2) sa doubles match.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naunang nagtapos ang Philippine team bilang pangatlo sa Group B sa round-robin qualification round taglay ang 1-2 panalo-talong record matapos magwagi sa Malaysia (2-1) at matalo sa Thailand (0-3) at China (0-3).

Maganda rin ang ipinakita ng mga Pinoy sa Pre-Qualifying event, kung saan tinalo nila ng Iraq (3-0) at Bhutan (3-0) sa Group A round-robin phase.

Sa play-off stage, nagwagi rin sila sa Pakistan (3-0) at Lebanon (3-0)upang umusad sa championship round kontra Singapore.

Natalo si Del Rosario’sa record na 2-6, 4-6 kay Ethan Lye sa first singles bago nakatabla ang mga Filipino matapos ang panalo ni Pantino ,6-3, 6-2 kontra kay Robin Cheng sa second singles match.

Nagtambal sina Pantino at Ringia upang gapiin sina Lye at Cheng, 6-4, 6-3 sa doubles para maangkin ang panalo.

Ang Philippine Davis Cup team ay sinamahan at ginabayan ni national coach Cris Cuarto. - PNA