Ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) simula ngayong Lunes ang P2,000 multa sa mga lalabag sa light truck ban tuwing rush hour sa EDSA at Shaw Boulevard.
Alinsunod sa uniform light truck ban policy, ang mga truck na may bigat na 4,500 kilo pataas ay ipinagbabawal na dumaan sa EDSA-southbound simula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga upang mapaluwag ang trapiko sa rush hour sa umaga, at mula 5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi sa EDSA-northbound. Saklaw ng ban ang Magallanes hanggang North Avenue.
Sa Shaw Boulevard, bawal ang mga light truck sa parehong direksiyon ng 6:00-10:00 sa umaga, at 5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi.
Sinabi ni MMDA Chairman OIC Tim Orbos na exempted sa ban ang magagaan na truck na nagbibiyahe ng mga produktong nabubulok, ngunit kailangan pa ring mag-apply ang mga ito ng exemption sa Department of Agriculture.
Exempted din ang mga sasakyan ng gobyerno at mga emergency vehicle, tulad ng ambulansiya at fire truck.
Ipatutupad ang ban mula Lunes hanggang Sabado, maliban tuwing Linggo at holidays, hanggang sa Hunyo 15, 2017. - Anna Liza Villas-Alavaren