Sugatan ang isang holdaper makaraang pagtulungang bugbugin ng mga taong sumaklolo sa kanyang biktima sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Naghihimas ng rehas at nahaharap sa kaukulang kaso si Arnel Lubaton, 36, matapos niyang holdapin at saksakin sa leeg si Rolando Santos, driver ng Loribelle taxi (UVR-880).
Base sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong 10:00 ng gabi nangyari ang insidente sa Sociego Street, Sampaloc, na sakop ng Barangay 586.
Una rito, nagpanggap umanong pasahero si Lubaton at sumakay sa taxi ni Santos sa bahagi ng Banawe, Quezon City.
Gayunman, pagsapit sa Sociego St. ay nagdeklara ng holdap ang suspek at saka pinagsasaksak ang biktima dahilan upang huminto ang taxi sa gitna ng kalsada.
Nagkataon namang dumadaan ang dalawang magkasunod na tricycle at napansin ng mga driver ang komosyon sa loob ng taxi kaya hinintuan nila ito.
Nakaramdam ng panganib, bumaba mula sa taxi si Lubaton at muling sinaksak si Santos sa dibdib at braso bago kumaripas ngunit hinabol siya ng mga tricycle driver at nang abutan ay saka pinagtulungang bugbugin.
Duguan at nagtamo ng mga pasa sa mukha at katawan ang suspek at wala nang nagawa kundi sumuko habang isinugod sa pinakamalapit na ospital ang biktima.
Ayon kay Lubaton, kailangan niya ng perang pambayad sa kuryente at tubig kaya nagawa niyang mangholdap.
(Mary Ann Santiago)