MATAGAL nang sentro ng atensiyon sa bahagi nating ito sa mundo ang South China Sea, dahil na rin sa pag-aagawan ng ilang bansa sa mga teritoryo sa nasabing karagatan. Gayunman, nang bumisita sa Asya si US Secretary of State Rex Tillerson noong nakaraang linggo, pakay niya ang pagtutulungan upang magkaroon ng kahandaang tugunan ang banta ng North Korea hindi lamang sa mga bansang nakapaligid dito kundi sa mismong Amerika.
Ang nasabing biyahe ang kauna-unahang pagdako sa bahagi nating ito sa mundo para sa bagong administrasyon ni President Donald Trump at nagpapakita kung gaano sineseryoso ng gobyerno ng Amerika ang mga huling pangyayari sa North Korea. Walang pagtatangka ang huli na ilihim ang intensiyon nito upang lumikha ng ballistic missile na kayang tumbukin ang pusod ng Amerika gamit ang mga nuclear warhead na ilang beses na rin nitong sinubukan.
Sakaling sumiklab ang kaguluhan sa bahagi nating ito sa mundo, ang South Korea ang unang maaapektuhan, na sa usaping teknikal ay nananatiling may digmaan pa rin sa North Korea, dahil parehong hindi lumagda ang dalawang bansa sa tratado ng kapayapaan matapos ang Korean War noong 1950-1953. Karamihan sa mga mid-range missile na pinakawalan ng North Korea na pasilangan ang tumbok ay bumagsak sa Sea of Japan, at ang isang long-range missile na patimog naman ang direksiyon ay bumagsak sa Pasipiko malapit sa isla ng Batanes ng Pilipinas. Madali na lamang para sa North Korea ang tumbukin ng mga missile nito ang direksiyong hilagang-kanluran patungong China at labis itong ikinababahala ng Beijing.
Napaulat na hindi rin makapagdesisyon ang China kung paanong tutugunan ang North Korea, ang tradisyunal nitong kaalyado, sa pangambang mabigo ang anumang pag-uusap sa pagitan nila. Ngunit nitong Marso 8, nanawagan ang China sa North Korea na suspindehin ang mga nuclear at missile activity nito. Bilang kapalit, sinabi ng China na hihilingin nito sa Amerika at South Korea na tigilan na ang malawakang military exercises na una nang naitakda. Nakikinita ng China ang isang “head-on collision” dahil sa mga pagpapakawala ng missile at pagsasanay na pangdigmaan.
Sa “hotspot” na ito ng Asia nagtungo si Secretary Tillerson noong nakaraang linggo, at kaagad na nakipagpulong kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe, at makalipas ang ilang araw ay dumiretso sa Beijing kung saan sinabi niya sa mga opisyal ng China na ang “policy of strategic patience is over.” Sa hakbanging ito na hingin ang tulong ng China laban sa walang pakundangang missile at nuclear tests ng North Korea, malinaw na bagong direksiyon na ang tinatahak ng Amerika sa polisiyang panlabas nito sa ilalim ng pamumuno ni President Trump.
Umaasa tayong magbubunga ang bagong inisyatibong ito ng Amerika hindi lamang sa Sea of Japan, sa Yellow Sea, at sa East China Sea na pinaghahatian ng China, Korea, at Japan, kundi maging sa bahagi ng katimugan sa South China Sea. Dito, kung saan patuloy na hinaharap ng Pilipinas ang pakikipag-agawan nito ng teritoryo sa mga karatig-bansa, at ang pagtutulungan ng Amerika at China ay makapagbibigay-daan sa isang mapayapaang unawaan na hahalili sa kasalukuyang sitwasyon ng kumprontasyon.